Pasko Ng Muling Pagkabuhay
09 Abril 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 20 Abril 2014.)
Mabilis ang nga pangyayari nang mga araw na iyon. Puno ng pag-asa at kagalakan ang buhay ng mga apostol bago ang biglaan at nakagugulat na pagkakanulo ni Hudas at pagkaaresto kay Hesus. Na tumungo sa pagpapakasakit at sa huli'y pagkamatay ni Hesus sa krus.
Parang nakikini-kinita natin kung ano ang itsura ng mga apostol. Kung dati-rati'y nagagawa nilang itaas ang kanilang mga mukha dahil sa sila'y apostol ni Hesus, ang Mesiyas ng mga Hudyo, ngayo'y nakayuko sila. Puno sila ng kalungkutan at ng takot dahil ang kanilang inaasahang hari ay patay na. Patay na ang pag-asa. Patay na ang kagalakan. Para bang nasayang lamang ang halos tatlong taon ng kanilang mga buhay sa pagsunod sa inasahan nilang Kristo.
Tapos na ang lahat. Ang masaklap pa, paano nila magagawang mamuhay ng tahimik at malayo sa takot? Anumang oras mula ngayon ay pupuwede silang arestuhin ng mga Romano at ng mga kaaway ng kanilang Panginoon. Kasunod ba silang ipapako sa krus? Bilang na nga ba ang kanilang mga oras?
Kaya gayon na lamang siguro ang ang pagkalito nina Pedro at Juan nang malaman nila kay Maria Magdalena na nawawala ang bangkay ni Hesus sa pinaglibingan dito.
Ano itong nangyari? Ninakaw ba ang bangkay ni Hesus?
Hindi pa nauunawaan ng mga apostol ang mga nangyayari nang umagang iyon. Hindi pa nila ganap na naiintindihan ang mga tinuran ni Hesus.
"Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ay natitira siyang magiisa; nguni't kung mamatay, ay nagbubunga ng marami." (Juan 12:24)
Ang walang lamang libingan ay sinundan ng maraming beses na pagpapakita ni Hesus sa Kanyang mga alagad. Hindi bilang isang multo kundi isang muling nabuhay na katawan.
Isang bagong simula ang Pasko ng Muling Pagkabuhay. Isang bagong pag-asa ang dumarating sa atin sa muling pagkabuhay ng ating Panginoon. Isang bagong kagalakan sapagkat ang Salita ng Diyos, ang Korderong naglilinis ng kasalanan ng sanlibutan ay nagtagumpay laban sa kasalanan at kamatayan.
Iisa ang tiyak, tayong lahat ay mamamatay. Kung si Hesus nga na Diyos ay namatay. Ang tanong, mabubuhay ba tayong muli kasama ni Hesus na muling nabuhay?
Panalangin:
O aming Ama, Ikaw na sa ami'y lumikha ayon sa Iyong pagkakatulad, patuloy Ka po naming pinupuri, sinasamba at niluluwalhati. Ang buhay nami'y nagmula sa Iyo. Muli namin itong ibinabaik sa Iyo.
Sa pamamagitan po sana ni Hesus na sa Iyo'y nagmula, makalapit kami sa Iyo. Sa aming pananalig sa Kanyang muling pagkabuhay, inaangkin namin ang aming muling pagkabuhay kasama Niya. Sa loob po ng apatnapung araw na paghahanda sa araw na ito, sinikap naming talikuran ang kasalanan. Ipagpatuloy po sana namin ito sa mga nalalabi pang sandali ng aming mga buhay. Kulang na kulang po ang aming kabutihan. Punan po Ninyo ito ng Inyong mapanghilom na pagmamahal.
Ang lahat ng ito sa matamis na Pangalan ni Hesus, na nagpakasakit, namatay at muling nabuhay, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.