Pagkilos Ng Kamay Ng Diyos

Ikalawang Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay
16 Abril 2023
I-click dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 27 Abril 2014.)


Mahirap unawain ang mga plano ng Diyos. May mga pagkakataong ang akala natin ay pinabayaan na Niya tayo. Sa bigat ng mga dalahin natin. Sa dami ng mga pagsubok na dumarating sa ating buhay.

Minsan nga naitatanong natin, "Bakit ako pa? Ano ba ang ginawa kong kasalanan sa Iyo?" At minsan sinusundan ito ng mga panunumbat, "Hindi naman ako nakakalimot sa 'yo? Wala naman akong inargabyadong tao? Kulang pa ba ang mga ginawa kong kabutihan?"

Madalas kasi iniisip nating kapag gumagawa tayo ng kabutihan, o nagsisilbi tayo sa simbahan, ay nagkakaroon ng utang sa atin ang Diyos. Na ang kabutihan natin ay kailangang palitan Niya ng mga magagandang bagay. Ng maginhawang buhay halimbawa o ng nag-uumapaw na mga biyaya.

Nawawaglit sa isip nating kakatiting ang mga nagawa nating mga kabutihan kumpara sa lahat ng mga ginawa Niya para sa atin. Na halos parang kurot lang ang lahat ng sakit na nararamdaman natin kumpara sa tiniis Niyang pagpapakasakit sa krus para sa atin. Na hindi Niya tayo bibigyan ng pagsubok na hindi natin kaya.

Nabulagan si Tomas ng kanyang pagluluksa dahil sa kamatayan ni Hesus at ng kanyang matinding takot sa mga Hudyo at mga Romano. Hindi Niya nakita ang plano ng Diyos. Nalimutan Niya kung sino si Hesus-- ang kanyang Panginoong nakasama Niya sa loob ng halos tatlong taon.

Nalimutan ni Tomas kung paanong naging saksi sila ng mga kasama sa maraming milagrong ginawa ni Hesus. Ng Kanyang paglalakad sa tubig. Ng pagpapagaling Niya sa mga maysakit at inaalihan ng masamang espiritu. Ng Kanyang pagpapakain sa libu-libong tao nang paramihin Niya ang ilang pirasong isda at tinapay. Nang buhayin Niya si Lazaro at ang iba pang nalagutan na ng hininga.

Inakala Niyang naging talunan na si Hesus. Hindi nga ba't dinanas nito ang matinding hirap sa kamay ng mga kawal-Romano? Hindi nga ba't namatay ito sa isang paraang nababagay lamang sa isang kriminal?

At mga kasamahan niyang mga apostol at ang iba pa, sa isip ni Tomas, silang lahat ay nababaliw na. Nililinlang na sila ng kanilang mga imahinasyon dahil katulad niya'y hindi nila matanggap na patay na ang kanilang Panginoon.

"Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo." (Juan 2:19) Si Hesus ang nagturan nito tungkol sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. 

Marami sa atin ang katulad ni Tomas. Nalilimutan nating ang bawat Biyernes Santo ay may Linggo ng Pagkabuhay. May plano ang Diyos. Ang lahat ng mga pagsubok na dinaranas natin ngayon ay daan patungo sa isang buhay na balak Niya para sa atin.

Magtiwala. Magmahal. Patuloy na umasa sa Kanyang awa. Manalangin. Kumilos nang naaayon sa Kanyang mga utos. Angkining tinugon na Niya tayo. Makakita.

Huwag nating intindihin ang sinasabi ng mundo na to see is to believe dahil sa isang mabuting katoliko, believing is seeing. Sa ating pananalig sa Kanyang pagmamahal at awa, hindi man natin makita ang mga dahilan sa likod ng lahat, in His time, mauunawan natin kung bakit naging gano'n ang kilos ng mga kamay ng Diyos sa ating mga buhay.

At sa araw na iyon, buong kagalakan nating masasambit sa Kanya, "Panginoon ko at Diyos ko!"

Panalangin:

O mapagpala naming Ama, aming Diyos at Panginoon, ang lahat ng pagsamba ay inihahandog namin sa Iyo. Ikaw ang bukal ng aming lakas. Ang tangi naming inaasahan sa aming buhay. Purihin ka ng Iyong bayang nangangailangan ng paghihilom na nagmumula sa mga sugat na tinamo ni Hesus. Mga sugat na nagbukas sa mga mata ni Tomas.

Kami man po ay katulad din ni Tomas. Maraming mga pagkakataong nag-aalinlangan kami sa Iyong kapangyarihan. May mga pagkakataon pa nga pong pinagdurudahan namin pati ang Iyong pagiging totoo. Patawad po sa aming kahinaan. Patawad po kung madali man po kaming sumuko sa harapan ng aming mga problema. Kung agad po naming nalilimutang hindi Mo po kami pinababayaan.

Panginoon, patatagin Mo po ang aming pananampalataya sa Iyo. Kung anuman po ang mga pinagdaraanan namin ngayon, batid po naming kasama Ka naming lagi. Hindi Mo po kami iniiwanan. Na kung anuman po ang idinadalangin namin ngayon, inaangkin po naming tinugon Mo na po kami.

Sa pangalan ni Hesus, ang Hari ng Banal na Awa, binubukalan ng kapatawaran at pag-asa ng mundo, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: