11 - 17 Mayo 2014

Daily Gospel Sa Isang Buong Linggo



11-Linggo 12-Lunes 13-Martes 14-Miyerkules 15-Huwebes 16-Biyernes 17-Sabado

11 Mayo 2014
Ikaapat Na Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 

(Unang Pagbasa: Gawa 2:14. 36-41; Salmo: Awit 23:1-6; Ikalawang Pagbasa: 1 Pedro 2:20-25; Mabuting Balita: Juan 10:1-10)
I-click po dito para sa Gospel Reflection. 

"Ako nga ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan." (Juan 10:9)

_________________________________________

12 Mayo 2014
Pagbasa: Gawa 11:1-8; Salmo: Awit 42:2-4;
Mabuting Balita: Juan 10:11-18

11 Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang bayaran ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog. 13 Tumatakas siya, palibhasa'y bayaran lamang at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin at papakinggan naman nila ang aking tinig. Sa gayon, magiging isa na lamang ang kawan at isa ang pastol.

17 Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito'y kunin kong muli. 18 Walang makakakuha ng aking buhay; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at kuning muli. Ito ang utos na tinanggap ko sa aking Ama.

13 Mayo 2014
Pagbasa: Gawa 11:19-26; Salmo: Awit 87:1-7;
Mabuting Balita: Juan 10:22-30

22 Taglamig na noon at kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo. 23 Habang naglalakad si Jesus sa Templo, sa Portiko ni Solomon, 24 pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, Hanggang kailan mo kami ilalagay sa alanganin? Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo na nang tuwiran.

25 Sumagot si Jesus, Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. 29 Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.

14 Mayo 2014
Pagbasa: Gawa 1:15-26; Salmo: Awit 113:1-6;
Mabuting Balita: Juan 15:9-17

9 Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.

11 Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon, malubos ang inyong kagalakan. 12 Ito ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi ninyo ako pinili, kayo ang pinili. Pinili ko kayo upang kayo'y magbunga at manatili ang inyong bunga upang ang anumang hingin ninyo sa Ama, sa aking pangalan, ay ibibigay sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.

15 Mayo 2014
Pagbasa: Gawa 13:13-25; Salmo: Awit 89:2-27;
Mabuting Balita: Juan 13:16-20

16 Pakatandaan ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Mapalad kayo kung nauunawaan ninyo ang mga bagay na ito at inyong gagawin.

18 Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko; kilala ko ang aking mga pinili. Ngunit dapat matupad ang sinasabi sa kasulatan, Pinagtaksilan ako ng taong pinapakain ko. 19 Sinasabi ko ito sa inyo bago pa mangyari upang kapag ito'y nangyari na, sasampalataya kayo na Ako'y Ako nga. 20 Pakatandaan ninyo, ang tumatanggap sa sinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap naman sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.

16 Mayo 2014
Pagbasa: Gawa 13:26-33; Salmo: Awit 2:6-11;
Mabuting Balita: Juan 14:1-6

1 Huwag na kayong mabalisa; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? 3 At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon. 4 At alam na ninyo ang daan papunta sa pupuntahan ko.

5 Sinabi sa kanya ni Tomas, Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?

6 Sumagot si Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.

17 Mayo 2014
Pagbasa: Gawa 13:44-52; Salmo: Awit 98:1-4;
Mabuting Balita: Juan 14:7-14

7 Kung ako'y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.

8 Sinabi sa kanya ni Felipe, Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.

9 Sumagot si Jesus, Felipe, kaytagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing Ipakita mo sa amin ang Ama? 10 Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nasa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. 12 Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. 13 At anumang hilingin ninyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14 Kung hihiling kayo ng anuman sa aking pangalan, ito ay aking gagawin.

11-Linggo 12-Lunes 13-Martes 14-Miyerkules 15-Huwebes 16-Biyernes 17-Sabado

Mga kasulyap-sulyap ngayon: