Unang Pagbasa: Gawa 6:1-7
1 Patuloy ang pagdami ng mga mananampalataya at dumating ang panahong nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. 2 Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, "Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. 3 Kaya, mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito. 4 Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita."
5 Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking lubusang nananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na nahikayat sa pananampalataya ng mga Judio. 6 Nang iharap sila sa mga apostol, sila'y ipinanalangin at pinatungan ng kamay.
7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at ang mga sumasampalataya ay parami nang parami sa Jerusalem. Maging sa mga paring Judio ay marami ring sumampalataya.
Salmo: Awit 33:1-2. 4-5. 18-19
1 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
2 Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
4 Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
5 Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.
18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
Ikalawang Pagbasa: 1 Pedro 2:4-9
4 Lumapit kayo sa kanya; siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos na mahalaga sa kanyang paningin. 5 Tulad ng mga batong buhay, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya alang-alang kay Jesu-Cristo, 6 sapagkat sinasabi ng kasulatan,
"Tingnan ninyo,
inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya."
7 Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga walang pananampalataya, matutupad ang nasa kasulatan,
"Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-pundasyon."
8 At
"Batong katitisuran ng mga tao,
batong ikadadapa nila."
Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.
9 Ngunit kayo ay isang lahing pinili, grupo ng maharlikang pari, isang bansang nakalaan sa Diyos, bayang pag-aari ng Diyos upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga- hangang kaliwanagan.
Mabuting Balita: Juan 14:1-12
1 Huwag na kayong mabalisa; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? 3 At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon. 4 At alam na ninyo ang daan papunta sa pupuntahan ko.
5 Sinabi sa kanya ni Tomas, Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?
6 Sumagot si Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung ako'y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.
8 Sinabi sa kanya ni Felipe, Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.
9 Sumagot si Jesus, Felipe, kaytagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing Ipakita mo sa amin ang Ama? 10 Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nasa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. 12 Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama.