Sa Tubig At Dugo

Kapistahan ng Pagbibinyag kay Hesus
10 Enero 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 13 Enero 2013)


Ang tubig ang isa sa pinakamahalagang kasangkapan sa pagbibinyag. Ito ang simbulo ng kalinisan at ng buhay. Sa pamamagitan ng tubig, nililinis natin ang mga materyal na bagay at hindi mabubuhay ang tao kung hindi tayo iinom ng tubig. Sabi nga ng isang preacher, "ang tao ay galing sa lupa at ang kung walang tubig, ang tao'y mag-aamoy-lupa." 

Sa kaso ng pagbibinyag kay Hesus, hindi Niya kailangan ng paglilinis dahil Siya'y walang bahid ng kasalanan at Siya ang buhay. Bakit kailangan ni Hesus na magpabinyag sa Kanyang pinsang si San Juan Bautista?

Malinaw itong sinagot ng isa pang pagsasalaysay ng nasabing pagbibinyag nang sabihin ni Hesus kay Juan Bautista:

"Hayaan mo ito ang mangyari ngayon; sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos." (Mateo 3:15)

Sa pagsunod ni Hesus sa kalooban ng Ama, nagbigay Siya ng matibay na halimbawa ng kababaang-loob at ng pagiging masunurin. Hindi Niya inalintanang maging kapara ang mga maniningil ng buwis at masasamang babae-- ng mga makasalanan-- na nagpapabinyag kay Juan Bautista.

Ang pagbibinyag na ito ang naging hudyat ng pagsisimula ng ministeryo ni Hesus. Buhat sa Ilog Jordan ay magtutungo Siya sa mga bayan upang ipahayag ang Mabuting Balita, upang magpagaling ng maysakit, upang magbigay-pag-asa sa mga aba at naghihirap.

Nakikisalo tayo sa pagbibinyag na ito kay Hesus. Sa pagtanggap natin ng binyag nu'ng tayo'y mga sanggol pa, tinanggap natin ang pakikihati sa ministeryo ni Hesus. Isang pagtanggap na pinagtibay natin nang tayo'y kumpilan.

Tayo'y nakikihati sa Kanyang pagiging haring naglilingkod sa kapwa at sa Diyos. Sa Kanyang pagiging propetang nagpapahayag ng Mabuting Balita at ng kalooban ng Ama. At sa Kanyang pagiging paring nag-aalay ng sarili-- ng oras, talento at kayamanan-- upang maabot din ng pag-ibig ng Diyos ang iba.

Ang pagbibinyag ni Juan Bautista kay Hesus ay simula ng paglalakbay ni Hesus patungo sa binyag na tatanggapin Niya sa kalbaryo-- ang binyag sa Kanyang sariling dugo. Lahat ng Kristiyano ay daraan sa mga paghihirap sapagkat ang daan patungo sa Ama ay isang daang makipot at masukal.

Marami sa ating mga kapatid ang patuloy na nagdurusa dahil sa kanilang pananampalataya. Daan-daang milyong Kristiyano sa buong mundo ang patuloy na tumatanggap ng mga persekusyon. 

Sa  pakikiisa natin sa binyag na ito, inihahayag din natin sa buong mundong tayo'y kasama ni Hesus sa Kanyang binyag sa krus. Tayo'y kasama Niyang namatay sa Kanyang kalbaryo. Kasama rin tayo sa Kanyang muling pagkabuhay. Tayo rin ay umaasang makakasama Niya sa paraiso sa huling araw tulad ng mga kapatid nating dumaranas ng mga persekusyon dahil sa ating pananampalataya. Katulad ni Hesus, tayo sana'y maging mga anak ring kalugod-lugod sa ating Diyos Ama.

Panalangin:

O aming Diyos, Ikaw na umampon sa aming maging mga anak Mo, patuloy Ka po naming sinasamba.

Ang lahat ng mga biyayang tinanggap namin buhat nang kami'y binyagan ay pinasasalamatan po namin. Kasama po rito ang lahat ng mga pagsubok at mga pag-uusig. Maging matibay po sana kami sa harap ng lahat ng mga problema.

Hayaan po Ninyong sa pamamagitan ng paggabay ng Iyong Banal na Espiritu ay magawa naming makihati sa pagiging hari, pari at propeta ni Hesus. Makita nawa ang Iyong kaluwalhatian sa aming pang-araw-araw na pamumuhay.

Magkaisa po sana ang lahat ng mga Kristiyanong nagsasalo sa iisang binyag at iisang pananampalataya sa Mabuting Balitang ihinatid ni Hesus.

At muli po, aming inaangkin ang pananampalatayang Ikaw ang nagkaloob nang kami'y binyagan sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: