sa iisang sulyap


sa unang tingin, ang mukha ng mundo--
lansangan, basura, marumi, magulo,
patay-sinding ilaw, magaslaw, malaswa,
nakasisilaw, masakit sa mata.

sa unang dinig, mundo'y sumisigaw--
hikbi, daing, palahaw, t'yang kumakalam
harurot ng bus, usapang malakas;
sarili mong tinig di mapakinggan.

sa iisang sulyap mundo'y walang D'yos,
walang  Hesus, kaligtasan o krus;
sa iisang sulyap ang tao'y kapos
sa pag-ibig, tuwa, pag-asa, atensyon...

sa unang tibok, madarama'y lungkot,
hapdi, pasakit, agam-agam, takot;
pangarap, tagumpay pa'no maaabot?
tanong ng puso'y wala ngang sagot.

sa iisang sulyap, walang kahulugan
ang pagsisikap, ang lahat, ang buhay;
trabaho, kain, pahinga para sa'n
upang sa huli'y sa libing humimlay?

       sa iisang sulyap, lahat ay kaybigat,
       tulungan Mo akong puso'y mapanatag
       'pagkat sa likod nitong dinaranas,
       mga kamay Mo, D'yos ko'y  gumagalaw
       upang patuloy sa 'king umalalay
       di ka man makita sa iisang sulyap....

Mga Rekomendadong Posts:

25 Peb - Ikalawang Linggo
ng Kuwaresma
25 Pebrero 2018 -
Only Way To Glory
18 - 24 Pebrero 2018
.
18 Pebrero 2018
.