Hanapan sa Blog na Ito

Post/s Para sa Linggo

Post/s Para sa Susunod na Linggo

29 Nobyembre 2026

Unang Linggo ng Adbiyento (B)
Ebanghelyo At Mga Pagbasa


“Ang sinasabi ko sa inyo’y sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo!” 
(Marcos 13:37)

Unang Pagbasa: Isaias 63:16-17.19; 64:2-7

Ikaw lamang, Panginoon, ang aming pag-asa’t Amang aasahan; tanging ikaw lamang yaong nagliligtas nitong aming buhay. Bakit ba, Panginoon, kami’y tinulutang maligaw ng landas, at ang puso nami’y iyong binayaan na maging matigas? Balikan mo kami, iyong kaawaan, ang mga lingkod mo na tanging iyo lamang. Buksan mo ang langit at ika’y bumaba sa mundong ibabaw, at ang mga bundok kapag nakita ka’y magsisipangatal. Wala pang narinig na Diyos na tulad mo, wala pang nakita ang sinumang tao; Pagkat ikaw lamang ang Diyos na tumulong sa mga lingkod mo na buong tiwalang nanalig sa iyo. Iyong tinatanggap, ang nagsisikap sa mabuting gawa, at ang iyong aral at mga tuntunin ang ginugunita. 

Nagagalit ka na’y tuloy pa rin kami sa pagkakasala, ang ginawa nami’y talagang masama buhat pa nang una. Ang lahat sa ami’y pawang nagkasala, ang aming katulad kahit anong gawin ay duming di hamak. Ang nakakawangki ng sinapit nami’y mga dahong lagas, sa simoy ng hangi’y tinatangay ito at ipinapadpad. Wala kahit isang dumulog sa iyo upang dumalangin, wala kahit isang lumapit sa iyo na tulong ay hingin; kaya naman dahil sa aming sala’y hindi mo kami pinansin. Gayunman, Panginoon, aming nalalamang ika’y aming Ama, kami’y parang luwad at ikaw ang magpapalayok. Ikaw ang lumikha sa amin, Panginoon, at wala nang iba.

Salmo: Awit 79

Tugon: Akitin mo, Poong mahal, 
           iligtas kami at tanglawan!

Pastol ng Israel, kami ay pakinggan; 
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan. 
Sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, at tubusin sa hirap! 

Ika’y manumbalik, O Diyos na dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas, 
at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas. 
Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas, 
yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas. 

Ang lingkod mong mahal ay iyong ingatan, 
yamang hinirang mo ay iyong ipagsanggalang, 
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan! 
At kung magkagayon, magbabalik kami’t di na magtataksil sa ’yo kailanman, kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan. 

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 1:3-9

Mga kapatid: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo. 

Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapala niya sa inyo sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sapagka’t sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo’y umunlad sa lahat ng paraan, maging sa pananalita at kaalaman. Ang katotohanang ipinangaral namin tungkol kay Kristo ay malinaw na nakikita sa inyo anupa’t hindi kayo nagkulang sa anumang kaloob na espiritwal, habang hinihintay ninyong mahayag ang ating Panginoong Hesukristo. Kayo’y aalalayan niya hanggang sa wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Hesukristo. Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang kayo’y makipag-isa sa kanyang Anak na si Hesukristong ating Panginoon.

Mabuting Balita: Marcos 13:33-37

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Magingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras. Katulad nito’y isang taong umalis upang maglakbay sa malayong lupain: ipinababahala ang kanyang tahanan sa mga alipin na binigyan ng kanya-kanyang gawain, at inuutusan ang bantay-pinto na maging laging handa sa kanyang pagdating. Gayon din naman, maging handa kayong lagi, sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madalingaraw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog. Ang sinasabi ko sa inyo’y sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo!”


Gospel Reflection
We Move Forward!


Lahat tayo'y may problema. Matakot ka kapag wala kang problema. Baka baliw ka na. O baka parang patay ka na.

Bahagi ng buhay natin ang mga pagsubok. Sa pamamagitan ng mga ito, nagiging matibay tayo sa buhay. Natututo tayong magtiis. Nagagawa nating makihati sa paghihirap na dinanas ni Hesus sa Kanyang pasyon para sa ating kaligtasan.

Pumapasok tayo ngayon sa isang bagong simula sa ating kalendaryong liturhikal. Ito'y isang bagong simula para sa mga Katoliko. .


Maririnig natin sa mga simbahan ang ating kapanabikan sa pagdating ni Hesus. "Halina, Hesus, halina!" ang maririnig nating inaawit ng choir sa ating mga misa. 


Pinaghahandaan natin ang Pasko ng Pagsilang, ang pagdiriwang ng unang pagdating ng Salitang nagkatawang-tao. Gayundin naman, kinapapanabikan din natin ang muling pagbalik ng ating Panginoon sa huling araw. Habang nasa isip natin ang dalawang pangyayaring ito, pagnilayan natin sa ating mga sarili ang pag-ibig ng Diyos. Mag-focus tayo kay Hesus na nagkaloob sa atin ng Kanyang selfless love.


Ipinapaalala sa atin ng ating Ebanghelyo ngayong Linggo na maging laging handa. Babalik si Hesus sa oras at araw na hindi natin inaasahan. 

Ito ang bagong simula. Iwanan na natin ang dati nating buhay ng kasalanan. We move forward. Tandaan nating minsang hinubad ng Salita ang lahat ng kaluwalhatian upang makipamayan sa mga katulad nating makasalanan. Isinilang si Kristo sa isang sabsaban. Isang abang pook para sa mga hayop. Ginawa Niya ang lahat ng ito para sa atin.


Nariyan pa rin ang problema. Imbis na panghinaan tayo ng loob. Tandaan nating lagi na kasama natin ang Diyos. Na hindi tayo nag-iisa sa ating pagharap sa mga pagsubok ng buhay. 


Sa Pangalan ni Hesus, kaya natin ang lahat ng ito. Kaya, keep moving forward. Kalimutan ang lumang makasalanang buhay. Maghanda sa pagdating ng ating Panginoon!


Panalangin:


Ama, Ikaw na nagmahal sa amin ng lubos, Ikaw na nagkaloob ng Iyong Bugtong na Anak upang magkamit kami ng kaligtasan, ang aming puso, isip, kaluluwa at buong pagkatao ay sumasamba, lumuluwalhati at nagpupuri sa Iyo.

Sa pagdating ng Adbiyento, turuan po sana kami ng Espiritu Santo na magnilay sa walang hanggan Mong pagmamahal. Talikdan po sana namin ang aming mga kasalanan. Tulungan Mo po kaming lalong palalimin ang aming relasyon kay Hesus.

Maging handa po sana kami sa Kanyang pagbabalik.

Sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Post/s ng Nakaraang Linggo

Looking for Catholic Devotional Apps?