Hanapan ang Blog na Ito
Post/s Para sa Linggo
Post/s Para sa Susunod na Linggo
27 Setyembre 2026
20 Setyembre 2026
06 Setyembre 2026
30 Agosto 2026
23 Agosto 2026
16 Agosto 2026
09 Agosto 2026
02 Agosto 2026
26 Hulyo 2026
19 Hulyo 2026
12 Hulyo 2026
05 Hulyo 2026
28 Hunyo 2026
21 Hunyo 2026
May mga dahilan tayo para matakot. Nasa balita ang mga nakatatakot na pangyayari. Kaguluhan. Aksidente. Krimen. Sakuna.
Malinaw ang mensahe ni Hesus sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo. Huwag tayong matakot. Magtiwala tayo sa Diyos. Manalig tayong lagi natin Siyang kasama. Hindi Niya tayo pababayaan.
Na kahit anupaman ang nangyayari sa buhay natin ngayon, may Diyos tayong makakapitan. May Diyos tayong laging nakasubaybay sa atin. Na laging magtatanggol sa atin.
Na mamatay man ang ating katawang-lupa, may buhay na walang-hanggan sa sinumang sumasampalataya kay Hesus at tinatanggap Siya bilang personal na Tagapagligtas. Na kung sinusunod at isinasabuhay natin ang Kanyang mga turo, hindi tayo dapat mangamba.
Sinabi ito ni Hesus sa Kanyang mga alagad para sabihin sa kanila ang mga paghihirap na darating sa kanila. Na daranas sila ng mga pag-uusig at mga pasakit sa pagpapahayag nila ng Mabuting Balita.
Hindi higit na dakila ang alipin sa kanyang panginoon. Kung si Hesus nga na ating Panginoon ay dumanas ng mga paghihirap, tayo pa kayang mga lingkod lamang. Hindi tayo higit na dakila kay Hesus.
Ipinangako ng Diyos sa bayang Israel, "Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas." (Isaias 41:10)
Sinabi pa ni Hesus sa pagtatapos ng ating Gospel episode, "ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit."
Kaya huwag tayong matakot.
Panalangin:
Ama, Panginoon namin noon, ngayon at magpakailanman. Pagluwalhati at pagsamba ang handog namin sa Iyong paanan.
Narito kaming mga lingkod Mong sa Iyo'y nagsusumikap na sumunod. Ipagkaloob Mo po sa aming lagi ang Iyong Banal na Espiritung gabay, lakas at pag-asa namin sa pagharap namin sa pang-araw-araw na pagsubok sa aming buhay.
Alisin Mo po sa aming puso at isipan ang lahat ng aming takot at pag-aalinlangan. Magawa po sana naming tumulad sa Iyong Bugtong na Anak na sumunod sa Iyong kalooban sa kabila ng mga paghihirap. (Sa panahon pong ito ng pandemya, tulungan Mo po kaming lalong kumapit at magtiwala sa Iyo.)
Bigyan Mo po kami ng pusong handang magtiis at ng isipang handang maniwala sa Iyong kapangyarihan maging anuman ang aming kalagayan sa buhay.
Ang lahat ng ito sa matamis na pangalan ni Hesus, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.
14 Hunyo 2026
Unang Pagbasa: Exodo 19:2-6
Maraming mga balakid upang magawa ito. Minsan nga, mismong kapamilya pa natin ang nagiging hadlang.
Sa kaso naming mga tagapagpahayag sa internet-- sa kaso ko'y sa pamamagitan ng blog na ito-- hindi nawawala ang mga pagkakataong nagkakaroon kami ng tinatawag na creative block. Ito 'yung mga pagkakataong kahit anong gawin mo ay para kang na-stock sa creative process. Na parang kahit anong piga ang gawin mo ay walang lumalabas na mga bagong ideya sa iyo.
"Sagana ang anihin, ngunit kaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin."
Madaling magpahayag kapag high na high ka pa galing sa isang retreat o sa isang seminar. Pero paano kapag feeling mo na-drain ka na? Bilang isang isinugo, kailangang magpatuloy dahil hindi nagpapahinga ang kalaban.
Katulad ng mga apostol ni Hesus sa ating Ebanghelyo, tayo rin ay isinusugo ni Hesus. Pinahahayo Niya tayo. Pinalalabas sa ating mga comfort zones para ibahagi sa kapwa ang Kanyang Salita. Araw-araw Niya tayong isinusugo. Hindi man sa malalayong lugar at hindi man bilang mga pari o madre o katekista, tayo'y isinusugo Niya sa mga tao sa paligid natin. Hinihimok Niya tayong ipahayag sa kanila ang kapayapaang hatid ng Kanyang pag-ibig. Na maaari nilang kamtin sa buhay na ito ang paghahari ng Diyos.
Sa pakikihati natin sa misyon ni Hesus bilang mga pari, propeta at hari, tayo'y isinusugo Niya kung paanong isinugo Siya ng Ama, patuloy sana nating ibigay ang lahat ng ating makakaya. Ialay natin sa Kanya ang ating tatlong "T"-- talent, time at treasures. Idalangin natin sa Kanya na ipagkaloob sa atin ang Espiritu Santo upang makagampan tayo sa mga katungkulang iniaatang sa atin-- sa tahanan man o sa trabaho, sa komunidad man o sa simbahan.O aming Diyos Ama, purihin, luwalhatiin at sambahin Ka ng Iyong bayang inutusan ng Iyong Anak na magmahalan kung paanong iniibig Mo kami.
Ipadala Mo po sa amin ang Espiritu Santo na Siyang lakas at pag-asa namin. Ipagkaloob Mo po sa amin ang katatagan upang magawa naming lumabas sa aming mga sarili. Upang magawa naming i-extend ang aming mga braso sa pagyakap sa aming kapwang katulad nami'y naghahangad ng pagmamahal mula sa Iyo.
Ipagkaloob Mo po sa amin ang kapayapaang sa Iyo lamang nagmumula.
Aming Ama, napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani (Lucas 10:2), idinadalangin po naming magpadala pa po kayo ng mga mangagawa upang higit na marami ang maabot ng Mabuting Balita. Idinadalangin po namin ang mga kabataan, tulungan po Ninyo silang piliin ang kanilang bokasyon ayon sa gabay ng Iyong Espiritu.
Idinadalangin din po namin ang mga katekista-- at mapagtanto sana naming lahat ng Katoliko ay katekista. Bigyang po Ninyo ng lakas ang aming Santo Papa , mga obsipo at ang aming kaparian. Unahin po sana Nila ang kapakanan ng Iyong Simbahan.
Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

















