Ika-15 na Linggo sa Karaniwang Panahon - 14 Hulyo 2013



Tumalon sa:  Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Unang Pagbasa: Deuteronomio 30:10-14
 
10 Ngunit kailangang makinig kayo sa kanya at buong puso't kaluluwang sumunod sa kanyang mga utos.
                
11 "Ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon ay hindi naman napakahirap sundin at unawain. 12 Wala ito sa langit, kaya hindi na ninyo dapat itanong, 'Sino ang aakyat sa langit para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?' 13 Wala rin ito sa ibayong-dagat kaya hindi ninyo dapat itanong, 'Sino ang tatawid sa dagat para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?' 14 Napakalapit ng kautusan sa inyo, nasa inyong mga labi at nasa inyong mga puso. Kailangan lang ninyo itong tuparin.

Tumalon sa: Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Salmo: Awit 69:14-37

14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
sa putik na ito't tubig na malalim;
sa mga kaaway, ako'y iligtas din.


15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
o dalhin sa malalim at baka malunod;
hahantong sa libing, ako pagkatapos.


16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin,
sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.


17 Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.


18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
sagipin mo ako sa mga kaaway.


19 Kinukutya ako, iya'y iyong alam,
sinisiraang-puri't nilalapastangan;
di lingid sa iyo, lahat kong kaaway.


20 Puso ko'y durog na dahilan sa kutya,
kaya naman ako'y wala nang magawa;
ang inasahan kong awa ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay kong aba.


21 Sa halip na pagkain, nang ako'y magutom,
ang dulot sa aki'y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom.


22 O bumagsak sana sila at masira,
habang nagdiriwang sila't naghahanda.


23 Bulagin mo sila't nang di makakita,
papanghinain mo ang katawan nila.


24 Ibuhos ang iyong galit sa kanila,
bayaan mong ito'y kanilang madama.


25 Mga kampo nila sana ay iwanan,
at walang matira na isa mang buhay.


26 Ang mga nagtamo ng iyong parusa,
nilalait-lait, inuusig nila;
pinag-uusapan sa tuwi-tuwina,
ang sinugatan mo't hirap na sa dusa.


27 Itala mong lahat ang kanilang sala,
sa mangaliligtas, huwag silang isama.


28 Sa aklat ng buhay, burahin ang ngalan,
at huwag mong isama sa iyong talaan.


29 Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,
O Diyos, ingatan mo, ako ay iligtas!


30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko't pasasalamatan.


31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod,
higit pa sa haing torong ihahandog,
higit pa sa bakang ipagkakaloob.


32 Kung makita ito nitong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.


33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.


34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata't naroong nilikha!


35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang,
ang lupain doo'y aariing tunay.


36 Magmamana nito'y yaong lahi nila,
may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.


Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita
 
Ikalawang Pagbasa: Colossas 1:15-20


15 Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. 18 Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na anak, ang unang binuhay mula sa mga patay, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. 19 Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, 20 at sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa, ay makipagkasundo sa kanya; pakikipagkasundo sa pamamagitan ng pag-aalay ng Anak ng kanyang dugo sa krus. 

Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
 
Mabuting Balita: Lucas 10:25-37


25 Isang dalubhasa sa kautusang Judio ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. "Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?" tanong niya.
                
26 Sumagot si Jesus, "Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?"
                
27 Sumagot ang lalaki, "'Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip;' at 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.'"
                
28 Sabi ni Jesus, "Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan." 

29 Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, "Sino naman ang aking kapwa?"
                
30 Sumagot si Jesus, "May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati ang damit sa kanyang katawan, binugbog, at iniwang halos patay na. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 32 Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 33 Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya'y naawa. 34 Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi, 'Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.'" 

36 At nagtanong si Jesus, "Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?"
                
37 "Ang taong tumulong sa kanya," tugon ng abogado. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, "Sige ganoon din ang iyong gawin." 

Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Mga kasulyap-sulyap ngayon: