Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon - 21 Hulyo 2013




Tumalon sa: Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita 


Unang Pagbasa: Genesis 18:1-10

1 Nagpakita si Yahweh kay Abraham sa may tabi ng mga sagradong puno ni Mamre. Noo'y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda. 2 Walang anu-ano'y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo sa di kalayuan. Patakbo niyang sinalubong ang mga ito, at sa kanila'y yumuko nang halos sayad sa lupa ang mukha, 3 at sinabi, "Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, tumuloy po muna kayo sa amin. 4 Magpahinga muna kayo rito sa lilim ng puno, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa. 5 Ipaghahanda ko na rin kayo ng makakain para lumakas kayo bago kayo maglakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin."
               
Sila'y tumugon, "Salamat, ikaw ang masusunod." 

6 Dali-daling pumasok sa tolda si Abraham at sinabi kay Sara, "Dali, kumuha ka ng tatlong takal ng magandang harina, at gumawa ka ng tinapay." 7 Pumili naman si Abraham ng isang matabang guya mula sa kawan, at ipinaluto kaagad sa isang alipin. 8 Kumuha rin siya ng keso at gatas, kasama ang nilutong karne, at inihain sa mga panauhin. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang kumakain ang mga ito.
               
 9 Tinanong nila si Abraham, "Nasaan ang asawa mong si Sara?"
               
"Naroon po sa tolda," sagot naman niya.
                
10 Sinabi ng isa sa mga panauhin, "Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbalik ko'y may anak na siya."


Tumalon sa:Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita 


Salmo: Awit 15:2-5

2 Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,


3 at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.


4 Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.


5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.

Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.

Tumalon sa:Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita 
 
Ikalawang Pagbasa: Colosas 1:24-28

24 Nagagalak ako sa aking paghihirap alang-alang sa inyo, sapagkat sa pamamagitan nito'y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. 25 Ako'y naging lingkod nito nang piliin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita, 26 ang hiwaga na sa mahabang panahon ay inilihim sa maraming sali't saling lahi, ngunit ngayo'y inihayag na sa kanyang mga pinili. 27 Niloob ng Diyos na ihayag sa lahat ng mga Hentil ang dakila at kamangha-manghang hiwagang ito na walang iba kundi si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos. 28 Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Cristo. Ang lahat ay aming pinapaalalahanan at tinuturuan nang may buong kaalaman upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo.

Tumalon sa:Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa  
  

Mabuting Balita: Lucas 10:38-42

38 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan nina Marta 39 at ng kapatid niyang si Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. 40 Si Marta naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at dumaing, "Panginoon, bale-wala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nag-iisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako."
                
41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, "Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya."

Tumalon sa:Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: