Ika-20 Linggo Sa Karaniwang Panahon - 18 Agosto 2013



Tumalon sa:    Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Unang Pagbasa: Jeremias 38:4-10

4 Kaya sinabi ng mga pinuno, "Mahal na hari, dapat ipapatay ang taong ito. Sa kasasalita niya ay natatakot tuloy ang mga kawal pati ang mga mamamayan. Hindi nakakatulong sa bayan ang taong iyan; nais pa niyang mapahamak tayong lahat."
                
5 Kaya sinabi ni Haring Zedekias, "Kung gayon, gawin ninyo sa kanya ang nais ninyo; hindi ko kayo mapipigil." 6 Dinakip nila si Jeremias at inihulog sa balon ni Malquias, ang anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay. Hindi tubig kundi putik ang laman ng balon, kaya lumubog siya sa putik.
                
7 Ang pangyayaring ito'y nabalitaan ni Ebed-melec, isang Etiopeng naglilingkod sa palasyo ng hari. Ang hari naman ay kasalukuyang nasa may Pintuan ni Benjamin. 8 Pinuntahan ni Ebed-melec ang hari at sinabi, 9 "Mahal na hari, masama ang ginawa ng mga pinuno; inihulog nila sa balon si Jeremias. Maaaring mamatay siya sa gutom sapagkat wala nang pagkain sa lunsod." 10 Inutusan ng hari si Ebed-melec na magsama ng tatlong lalaki at pagtulung-tulungan nilang iahon sa balon si Jeremias bago ito mamatay. 

Tumalon sa:    Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Salmo: Awit 40:2-18

2 sa balong malalim na lubhang maputik,
iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
at naging panatag, taglay na buhay ko.


3 Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.


4 Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
hindi sumasama sa nananambahan,
sa mga nagkalat na diyus-diyosan.


5 Yahweh aking Diyos, wala kang katulad
sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
nangangamba akong may makalimutan.


6 Ang mga pang-alay, pati mga handog,
at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
handog na sinusunog at mga kaloob
hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.


7 Kaya ang tugon ko, "Ako'y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.


8 Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral."


9 Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
saanman magtipon ang iyong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.


10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.


11 Aking nalalamang di mo puputulin,
Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
wagas mong pag-ibig at iyong katapatan,
mag-iingat sa akin magpakailanpaman.


12 Kay rami na nitong mga suliranin,
na sa karamiha'y di kayang bilangin.
Alipin na ako ng pagkakasala,
na sa dami, ako'y di na makakita;
higit pa ang dami sa buhok sa ulo,
kaya nasira na pati ang loob ko.


13 Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan!
Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan.


14 Nawa ang may hangad na ako'y patayin,
bayaang malito't ganap na talunin.
Yaong nagagalak sa suliranin ko,
hiyain mo sila't bayaang malito!


15 Silang nangungutya sa aki'y bayaang
manlumo nang labis, nang di magtagumpay!


16 Silang lumalapit sa iyo'y dulutan
ng ligaya't galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: "Si Yahweh ay Dakila!"
ng nangaghahangad maligtas na kusa.


17 Ako ma'y mahirap at maraming kailangan,
subalit hindi mo kinalilimutan.
Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas---
Yahweh aking Diyos, huwag ka nang magtagal!


Tumalon sa:    Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 12:1-4

1 Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa paligsahang ating sinalihan. 2 Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos. 

3 Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. 4 Hindi pa humahantong sa pag-aalay ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan.  

Tumalon sa:    Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
 
Mabuting Balita: Lucas 12:49-53


49 "Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito! 50 May isang bautismo na dapat kong danasin, at ako'y nababagabag hangga't hindi ito nagaganap. 51 Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi. 52 Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.

53 Ang ama laban sa anak na lalaki,
at ang anak na lalaki laban sa ama;
ang ina laban sa anak na babae,
at ang anak na babae laban sa ina;
ang biyenang babae laban sa manugang na babae,
at ang manugang na babae laban sa biyenang babae." 


Tumalon sa:    Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita


Mga kasulyap-sulyap ngayon: