Tumalon sa: Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Unang Pagbasa: Karunungan 9:13-18
13 "Sinong tao ang lubos na makakaunawa sa kaisipan ng Diyos?
Sino ang makakaalam sa kalooban ng Panginoon?
14 Kapos ang kaisipan ng tao
at walang kasiguruhan ang aming mga panukala.
15 Sapagkat ang aming kaluluwa ay binabatak na pababa ng aming katawang ang hantungan ay kamatayan.
Ang aming katawang lupa
ay pabigat sa isipang punung-puno ng mga panukala.
16 Nahihirapan kaming mahulaan man lamang ang nilalaman ng daigdig,
at malaman kung ano ang mga bagay sa paligid namin.
Sino, kung gayon, ang makakaunawa sa mga bagay na makalangit?
17 Wala pong makakaalam ng iyong kalooban
malibang bigyan mo siya ng iyong Karunungan,
at lukuban ng iyong banal na espiritung mula sa kaitaasan.
18 Sa ganitong paraan po lamang naaakay mo
ang mga tao sa matuwid na landas.
Natututunan po namin kung ano ang kalugud-lugod sa iyo,
at naliligtas kami sa pamamagitan ng iyong Karunungan.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Salmo: Awit 90:3-17
3 Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
4 Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
5 Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
6 Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.
7 Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,
sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
8 Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag,
mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag.
9 Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay,
parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
10 Buhay nami'y umaabot ng pitumpung taong singkad,
minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas;
ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap,
pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.
11 Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok?
Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?
12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
Magtagumpay nawa kami!
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita
Ikalawang Pagbasa: Filemon 9-17
9 Akong si Pablo, na sugo ni Cristo Jesus at ngayo'y nakabilanggo dahil sa kanya, 10 ay nakikiusap sa iyo para kay Onesimo na aking anak sa pananampalataya. Ako'y naging isang ama sa kanya habang ako'y nakabilanggo. 11 Dati, hindi mo mapakinabangan si Onesimo, ngunit ngayo'y kapaki-pakinabang siya sa ating dalawa.
12 Pinababalik ko na siya sa iyo, kasama ang aking puso. 13 Nais ko sanang manatili na siya sa aking piling upang siya ang maglingkod sa akin habang ako'y nakabilanggo dahil sa Magandang Balita, at sa gayon ay para na ring ikaw ang kasama ko rito. 14 Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang maging kusa ang iyong pagtulong sa akin, at hindi sapilitan.
15 Marahil, nalayo sa iyo si Onesimo nang kaunting panahon upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, 16 hindi lamang bilang isang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo, hindi lamang bilang isang alipin, kundi bilang isa nang kapatid sa Panginoon!
17 Kaya't kung kinikilala mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
Mabuting Balita: Lucas 14:25-33
25 Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, 26 "Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. 27 Ang ayaw magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.
28 "Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? 29 Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. 30 Sasabihin nila, 'Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.'
31 "O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung ang sampung libong kawal niya ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal? 32 At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. 33 Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita