Ika-24 Na Linggo Sa Karaniwang Panahon - 15 Setyembre 2013



Tumalon sa:      Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
 
Unang Pagbasa: Exodo 32:7-14

7 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inilabas mo sa Egipto, sapagkat itinakwil na nila ako. 8 Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila'y iyon ang diyos na naglabas sa kanila sa Egipto. 9 Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matitigas ang kanilang ulo. 10 Hayaan mong lipulin ko sila at ikaw at ang iyong lahi'y gagawin kong isang malaking bansa."

11 Nagmakaawa si Moises kay Yahweh: "Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan. 12 Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita'y inilabas ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong parusa sa kanila. 13 Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila'y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo." 14 Hindi nga itinuloy ni Yahweh ang balak na paglipol sa mga Israelita.  

Tumalon sa:     Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Salmo: Awit 51:3-19

3 Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.


4 Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.


5 Ako'y masama na buhat nang isilang,
makasalanan na nang ako'y iluwal.

6 Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
puspusin mo ako ng dunong mong wagas.


7 Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
at ako'y puputi nang lubus-lubusan.


8 Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
butong nanghihina'y muling palakasin.


9 Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama'y pawiin.

10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.


11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.


12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.


13 Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.


14 Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
at aking ihahayag ang pagliligtas mo.


15 Tulungan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.


16 Hindi mo na nais ang mga handog;
di ka nalulugod, sa haing sinunog;


17 ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.


18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
at ang Jerusalem ay muling ibangon.


19 At kung magkagayon, ang handog na haing
dala sa dambana, torong susunugin,
malugod na ito'y iyong tatanggapin.


Tumalon sa:     Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita

Ikalawang Pagbasa: 1 Timoteo 1:12-17

12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, 13 kahit na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. 14 Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa lahat ng mga makasalanan. 16 Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus ang kanyang di-masukat na pag-ibig sa akin, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.
                
17 Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.

Tumalon sa:     Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa

Mabuting Balita: Lucas 15:1-10

1 Isang araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. 2 Nagbulung-bulungan naman ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, "Ang taong ito'y nakikisama sa mga makasalanan at nakikisalo sa mga ito." 3 Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito.
                
4 "Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? 5 Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. 6 Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!' 7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi."
                
8 "O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? 9 Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, 'Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!' 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan." 

Tumalon sa:     Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita


Mga kasulyap-sulyap ngayon: