Hu U?!

Gospel Reflection

Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
23 Oktubre 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 27 Oktubre 2013.)


Bilang mga tao, parang normal na para sa atin na ibida ang ating mga kabutihan o kagalingang ginawa. Hindi ba't nu'ng mga bata pa tayo, madalas nating sabihin ang mga katagang "Tatay/Nanay, ang galing ko kasi..." At tuwang-tuwa tayo kapag pinupuri tayo.

Sa ating ebanghelyo ngayong linggo makikita natin sa talinghaga ni Hesus ang isang Pariseo, isang taong ibinibida sa Diyos ang mga kabutihan at kabanalang kanyang ginawa. Para siyang batang ipinagmamalaki sa kanyang ama ang kanyang kagalingan. 

Sa kabilang banda, makikita naman ang isang publikano, isang makasalanang dinadagukan ng kanyang konsensya. Parang isang batang hindi makatingin ng diretso sa kanyang ama dahil alam niyang may kasalanan siyang ginawa.

Kapwa nananalangin ang dalawa. Contrasting nga lamang ang kanilang paraan ng pagdarasal. May pagmamalaki ang sa isa samantalang nahihiya sa sarili ang isa.

Ipinapaalala sa atin ni Hesus ang kahalagahan ng pagpapakumbaba-- hindi lamang sa pananalangin kundi sa ating buhay. Kalulugdan ng Diyos ang makasalanang humihingi ng kapatawaran pero hindi ang nagmamalaking pariseong kinutya pa ang publikano. 

Nakalimutan kasi ng pariseo ang isang napakahalagang bagay. Katulad ng publikanong kasabay niyang manalangin, isa rin siyang makasalanang pinatawad ng Diyos. Na hindi siya dapat magmalaki dahil ang lahat ng kabutihan ay nagmumula sa Diyos. Na walang magagawa ang tao kung wala ang grasya ng Maylikha.

Dahil nauna sa pariseo ang pagmamalaki, imbes tuloy na matuwa siya sa pagsisikap ng publikanong magbalik sa Diyos ay kinutya pa niya ito. Ganito tayo kapag may taong nagbabalik-loob sa kabutihan. Agad natin silang dina-down at hindi binibigyan ng pagkakataon.

Ang pagpapakumbaba ay isa sa pinakamahalagang trait ng isang Katoliko. Sa pamamagitan nito, nalalaman natin ang ating puwesto sa kasaysayan ng kaligtasang inaalok ng Diyos. Tayo ay mga taong umaasa lamang sa walang hanggang awa at kabutihan ng Diyos na nagmamahal sa atin. Katulad ng ating Mahal na Inang Maria, taglayin sana natin ito sa ating mga buhay sa pagsunod kay Hesus, ang Diyos na nagpakababa.

Kaya sa susunod na magdarasal tayo o gagawa ng mabuti, tandaan nating hindi ang ating kabutihan ang dapat nating ipagsigawan sa mundo kundi ang kabutihan ng Diyos na pinaglilingkuran natin. Hindi mahalaga kung sino ka-- makasalanan man o banal. Ang mahalaga ay kung sino ang Diyos na nagmamahal sa 'Yo at sinisikap nating sundin ang Kanyang kalooban.

Hu u? Alam mo ba ang sagot? O wala kang sapat na kababaan ng loob upang maamin kung sino ka?

Panalangin:

O aming Amang makapangyarihan sa lahat, ang aming mga puso ay inihahandog namin sa Inyo. Salamat po sa lahat ng mga biyayang patuloy Mong ipinagkakaloob sa amin. Ang lahat po ng ito ay nagmumula sa Inyo at aming ibinabalik sa Iyo.

Turuan Mo po kaming magpakumbaba sa harap ng mga pagsubok na aming kinakaharap. Itinataas po namin ang lahat ng ito sa Inyong mga kamay. Sa pangalan ni Hesus, alam po naming kaya namin ang lahat ng mga problemang ito dahil kailanma'y hindi n'yo po ito ibibigay sa amin kung hindi namin kaya.

Tulungan Mo po kaming gabayan ang mga taong nais na lumapit at magbalik-loob sa Inyo. Katulad po namin noong kami'y mga makasalanan pa, gawin po Ninyong instrumento ang mga taong nakapaligid sa kanila. Gamitin Mo po kami upang mahipo Mo ang kanilang mga puso.

Panginoon, batid po naming hindi kami karapat-dapat subalit alam po naming kailanma'y hindi Mo tinatanggihan ang isang pusong buong kababaang-loob na dumudulog sa Iyo.

Sa pangalan ni Hesus, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao para sa amin, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: