Buhay sa Espiritu

Gospel Reflection

Dakilang Kapistahan ng Pentekostes
28 Mayo 2023
I-click dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 08 Hunyo 2014.)


From time to time, nasasabihan tayo ng magagandang mga bagay tungkol sa ating paglilingkod sa Diyos at sa ating komunidad. Hindi maaalis sa marami sa atin ang ma-flatter sa mga papuring tinatanggap natin mula sa ating mga kasama. Sa kaso ko, standard ang lagi kong sagot:
"Walang ibang magaling kundi ang Diyos. Tayo'y mga instrumento lamang ng Kanyang kabutihan."

Karaniwan ang sagot kong ito subalit ito ang totoo. Hindi ko inaangkin ang aking mga kayang gawin. Ina-attribute ko ang lahat ng aking talent sa kaluwalhatian ng Diyos na pinagmumulan ng lahat. Ako, tayo, ay mga vessel o daluyan lamang nga Kanyang kaluwalhatian. Mga instrumento ng Kanyang Espiritung pinagmumulan ng lahat ng mga biyayang galing sa Diyos. Sabi ng ng isang speaker, ang Holy Spirit ang Giver of all gifts

Sabi nga ng isang Disney song, Let It Go, hayaan mong lumaya ang Banal na Espiritu. Matagal na natin Siyang tinanggap nang tayo'y binyagan noong mga sanggol pa tayo-- sa kaso ko, bininyagan ako noong early teens ko. Hayaan nating gumalaw sa atin ang Espiritu ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ganap tayong magiging malaya. Sa pamamagitan nito, makikita ng ating kapwa sa atin ang luwalhati ng Diyos.

Sa unang Pentekostes kung kailan tinanggap ng mga Apostol at ni Birheng Maria ang Espiritu Santo, lumaya sila mula sa takot at pag-aalinlangang nadarama nila. Nagawa nilang magsalita ukol sa Mabuting Balitang hatid ni Hesu-Kristo sa sangkatauhan. At mula nang araw na iyon, ipinalaganap nila sa lahat ng bansa, ayon na rin sa utos ni Hesus, ang kaligtasan.

Nasa atin na ang Espiritu Santo. Pakinggan lamang natin Siya. Gawin natin ang kabutihang ibinubulong Niya sa ating mga puso. Hayaan nating kumilos Siya sa atin. Tanggalin natin ang lahat ng takot. Manalig tayong hindi tayo nag-iisa. Kasama natin ang Espiritu Santong palagi nating Gabay at Tagapagpabanal.

Tanda ko pa ang laging sinasabi ng isang elder namin noon. Wala namang dakilang taong nag-umpisang banal o dakila agad. Lahat tayo'y naging makasalanan muna. Lahat tayo'y naging tanga muna. Ang kaibahan lang hinayaan, nilang kumilos ang Espiritu Santo sa kanila. Hinayaan nilang itulak sila Nito sa paggawa ng mga dakilang bagay na nagsimula sa isang maliit na kabutihan.

Panalangin:

O aming Ama, purihin at luwalhatiin Ka ng aming kaluluwa sa pamamagitan ni Hesus at sa paggabay ng Espiritu Santo.

Sumaamin po nawa ang kapayapaang hatid Mo. Kung paanong isinugo Mo po ang Iyong Anak, gayundin naman, batid po naming isinusugo rin po kami ni Hesus upang ipalaganap ang Mabuting Balita. Sa paggabay ng Espiritung Tagapagpabanal, tinatanggap po namin ang misyong ito.

Tangayin po sana namin sa pang-araw-araw naming mga buhay ang pananalig sa Iyong Bugtong na Anak. Ang pananampalatayang ito sana ay magsilbing inspirasyon sa aming kapwang naghahanap ng Diyos sa kanilang mga buhay. Panginoon, batid po naming kami'y makasalanan at hindi karapat-dapat sa Inyong awa at pagtitiwala subalit nananalig po kaming kami'y sinagip na ng kamatayan ni Hesus sa krus.

O aming Ama, alay namin sa iyo ang aming mga puso. Gamitin mo po ito sa Iyong ikaluluwalhati. Amen. 


Mga kasulyap-sulyap ngayon: