Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo - 15 Hunyo 2014



Unang Pagbasa: Exodo 34:4-6. 8-9

4 Tulad ng sinabi ni Yahweh, si Moises ay tumapyas ng dalawang bato at dinala ang mga ito kinaumagahan sa Bundok ng Sinai.

5 Si Yahweh ay bumaba sa ulap, tumayo sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Yahweh.

6 Si Yahweh ay nagdaan sa harapan ni Moises at sinabi niya, "Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat. 7 Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong ipinapatawad ang kanilang kasamaan, pagsuway at pagkakasala. Ngunit hindi ko pinalalampas ang kasalanan ng ama at ang pagpaparusa ko'y hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi."

8 At mabilis na lumuhod si Moises, at sumamba kay Yahweh. 9 Sinabi niya, "Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na po matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan."

Salmo: Daniel 3:52-56*

52 "Pinupuri ka namin, Panginoon; Diyos ng aming mga ninuno;
karapat-dapat po kayong parangalan at dakilain magpakailanman!
Purihin po ang iyong marangal at banal na pangalan.
Nararapat kang purihin at parangalan magpakailanman.

53 Purihin ka sa iyong banal at marangal na tahanan;
lubhang karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.

54 Purihin ka mula sa iyong luklukan sa ibabaw ng mga kerubin,
nakikita po ninyo ang kalaliman, ang daigdig ng mga patay.
Karapat-dapat kang purihin at dakilain magpakailanman.

55 Purihin ka, na nakaupo sa maningning mong trono,
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.

56 Purihin ka sa buong sangkalangitan;
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.

*Awit ng Tatlong Kabataan 1:29-34 sa ibang salin

Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 13:11-13

11 Mga kapatid, hanggang dito na lamang, at paalam na sa inyo. Sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa na kayo, at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.

12 Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.

Kinukumusta kayo ng lahat ng mga kapatid sa iglesya. 13 Nawa'y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Jesu-Cristo, at ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo.

Mabuting Balita: Juan 3:16-18

16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya.

18 Hindi hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: