20 -26 Hulyo 2014

Daily Gospel Sa Isang Buong Linggo


"Kung paanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao." (Mateo 12:40)


_________________________________________

20 Hulyo 2014
Ika-16 Na Linggo Sa Karaniwang Panahon
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. (Unang Pagbasa: Karunungan 12:13. 16-19; Salmo: Awit 86:5-6. 9-10. 15-16; Ikalawang Pagbasa: Roma 8:26-27; Mabuting Balita:Mateo 13:24-43)
I-click po dito para sa Gospel Reflection.

"Ngunit ang binhing nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawa’t uhay." (Mateo 13:8)

_________________________________________

21 Hulyo 2014
Pagbasa: Mikas 6:1-8; Salmo: Awit 50:5-23
Mabuting Balita: Mateo 12:38-42

38 Sinabi noon ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” 39 Sumagot si Jesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. 40 Kung paanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao.

41 Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagong-buhay sila sa pangangaral ni Jonas, at dito’y may mas dakila pa kay Jonas. 42 Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ng mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.

22 Hulyo 2014
Pagbasa: 2 Corinto 5:14-17; Salmo: Awit 63:2-9
Mabuting Balita: Juan 20:1-18

1 Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, 2 patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”

3 Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. 4 Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. 5 Pagkayuko niya’y nakita niyang nakalatag ang mga telang linen pero hindi siya pumasok.

6 Dumating namang kasunod niya si Simon Pedro, at pumasok sa libingan. Napansin niya ang mga telang linen na nakalatag, 7 at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo niya ay di kasama sa mga telang linen na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mismong lugar nito. 8 Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at siya’y naniwala. 9 Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan siyang magbangon mula sa mga patay. 10 Kaya bumalik pauwi ang mga alagad.

11 Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. 12 At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus. 

13 Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” 14 Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon. 

15 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.”

16 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Maria!” Pagkaharap niya’y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni!” (na ibig sabihi’y Guro). 17 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’”

18 Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.”

23 Hulyo 2014
Pagbasa: Jeremias 1:1-10; Salmo: Awit 71:1-17
Mabuting Balita: Mateo 13:1-9

1 Nang araw ding iyon, umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. 2 Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. 3 At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga.

At sinabi ni Jesus: “Lumabas na ang maghahasik para maghasik. 4 Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. 5 Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. 6 Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito.  7 Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. 8 Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. 9 Makinig ang may tainga!”

24 Hulyo 2014
Pagbasa: Jeremias 2:1-13; Salmo: Awit 36:6-11
Mabuting Balita: Mateo 13:10-17

10 Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad at nagtanong: “Bakit sa pamamagitan ng mga talinhaga ka nagsasalita sa kanila?” 

11 Sumagot si Jesus: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Langit, ngunit hindi sa kanila. 12 Sapagkat ang meron ay bibigyan pa at sasagana pa siya. Ngunit ang wala ay aagawan pa ng nasa kanya na. 13 Kaya nagsasalita ako sa kanila nang patalinhaga sapagkat tumitingin sila pero walang nakikita, nakaririnig sila pero hindi nakikinig o nakakaunawa.

14 Sa kanila natutupad ang mga salita ni Propeta Isaias: “Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo nakakaunawa; tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo nakakakita.

15 Pinatigas nga ang puso ng mga taong ito. Halos walang naririnig ang kanilang mga tainga at walang nakikita ang kanilang mata. At baka makakita ang kanilang mata at makarinig ang kanilang tainga at makaunawa ang kanilang puso, upang bumalik sila at pagalingin ko sila.” 

16 Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig.

17 Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.

25 Hulyo 2014
Pagbasa: 2 Corinto 4:7-15; Salmo: Awit 126:1-6
Mabuting Balita: Mateo 20:20-28

20 Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. 21 Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.”

22 Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” 23 Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.”

24 Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. 25 Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. 26 Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; 27 ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. 28 Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”

26 Hulyo 2014
Pagbasa:  Sirac 44:1-15; Salmo: Awit 132:11-18
Mabuting Balita: Mateo 13:16-17

16 Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig.

17 Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: