Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamigay iyon sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog.
Unang Pagbasa: Isaias 55:1-3
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Narito ang tubig, mga nauuhaw. Ang mga walang salapi ay kumuha rito at bumili ng pagkain. Halikayo at bumili ng alak at gatas, bumili kayo, ngunit walang bayad. Bakit ginugugol ang salapi sa mga bagay na hindi nakabubusog? Bakit inuubos ang pera sa mga bagay na walang halaga? Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko at matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain.
Pumarito kayo. Kayo ay lumapit at ako’y pakinggan, makinig sa akin nang kayo’y mabuhay. Ako’y may gagawing walang hanggang tipan at ipalalasap sa inyo ang pagpapalang ipinangako ko kay David.”
Salmo: Awit 145:8-9. 15-16. 17-18
Tugon: Pinakakain mong tunay
kaming lahat, O Maykapal!
Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag.
Banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.
Tanging Panginoon ang inaasahan ng tanang nabubuhay,
siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
Binibigyan sila nang
sapat na sapat, hindi nagkukulang;
anupat ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
Ikalawang Pagbasa: Roma 8:35. 37-39
Mga kapatid:
Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ang paghihirap ba, ang kapighatian, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib, o ang tabak?
Hindi! Ang lahat ng ito’y kayangkaya nating pagtagumpayan sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan, ang kataasan, ang kalaliman, o ang alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos – pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.
Mabuting Balita: Mateo 14:13-21
Noong panahong iyon, nang marinig ni Hesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, siya’y sumakay sa isang bangka at nag-iisang pumunta sa isang ilang na lugar. Nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila’y lumabas ng bayan at lakad na sumunod sa kanya. Paglunsad ni Hesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong yaon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila.
Nang dapit-hapon na’y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. Papuntahin na po ninyo sa nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.” “Hindi na sila kailangang umalis pa,” sabi ni Hesus. “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sumagot sila, “Lilima po ang tinapay at dadalawa ang isda natin.” “Dalhin ninyo rito,” sabi niya.
Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao, kinuha ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamigay iyon sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis, at sila’y nakapuno ng labindalawang bakol ng hati-hating tinapay. May limanlibong lalaki ang kumain, bukod pa sa mga babae at mga bata.