Ika-23 Linggo Sa Karaniwang Panahon
10 Setyembre 2020
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 07 Setyembre 2014.)
Ano ang dapat nating gawin kung magkasala sa atin ang isang kapatid sa pananampalataya?
Malinaw ang instructions ni Hesus, "puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan... kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi... kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan."
Pero iba ang paraan ng chizmackers!
Kapag nagkasala sa kanya ang isang bro o sis, itsitsismis agad niya ito sa unang-unang taong makakasalubong niya. (At kung kapwa niya chizmackers ang nakuwentuhan, malamang na maikuwento rin ito sa iba.) Palalakihin ng chizmackers ang isyu. Dadagdagan ang kuwento. Pasasamain ang tao. Ipo-post niya sa facebook ang tsismis. Itu-tweet. Hindi siya titigil hanggang malaman ng buong mundo ang tsismis.
Ang ending. Ang taong involve ang huling makakaalam ng kuwento. Aawayin niya ang chizmackers na nagkalat ng tsismis. Magkakagulo ang komunidad o organisasyon. May makikisimpatya sa kanya at ang iba nama'y kakampi sa chizmackers. Magkakaroon ng paksyon.
Malungkot mang isipin, ito ang realidad. Nangyayari ito sa maraming kristiyanong komunidad, katoliko man o hindi. Dumarating pa nga sa puntong umaalis sa paglilingkod ang mga taong involve. Ang malala pa, minsan, tuluyang nahahati o nabubuwag ang organisasyon. At ang lahat ng ito ay dahil lang sa isang isyung pinalaki lamang. Naiwasan sana ito kung nu'ng umpisa pa lang ay nag-usap agad ng maayos ang mga parties na involved.
Malinaw ang instructions ni Hesus subalit nangangailangan ito ng bukas na isip para sa mga taong nasasangkot-- ang nagkasala at ang nagawan ng kasalanan. Madalas kasi, hindi ganu'n kadaling diretsahang sabihin sa isang taong nagkamali siya. Sa panig naman ng nagkasala, mahirap din para sa maraming tao na tanggapin ang sariling pagkakamali.
Maraming komunidad ang napupulaan dahil sa mga isyung tulad nito, idalangin nating gabayan tayo ng Espiritu Santo upang magawa nating masabi sa ibang tao ang kanilang pagkakamali. Magawa rin sana nating tanggapin ang mga pagtatama sa atin ng ibang tao upang maging mas mabuti tayong mga Katoliko. Sa ganitong paraan, magiging smooth ang relasyon natin sa ating kapwa.
Dapat nating tandaang ang Katolikong pag-handle ng isang isyu ay malayung-malayo sa chizmackers' way of handling things.
Panalangin:
O aming Ama, Ikaw na patuloy na humihipo sa amin upang magawa naming sumunod sa mga yapak ng kabanalang ipinakita ni Hesus, lagi Ka po naming sinasamba at pinapupurihan. Salamat po sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob Ninyo sa araw-araw. Salamat din po sa mga taong ginagamit Ninyo upang magawa naming itama ang aming mga maling nakagawian.
Panginoon, idinadalangin po namin ang aming Simbahan, panatiliin Mo po itong matatag sa gitna ng mga pagsubok. Idinadalangin po namin ang aming mga lider, lalo na po ang mga obispo at mga pari. Maging bukas po sana sila sa mga kritisismo upang mas epektibo nilang mapamunuan ang aming komunidad ng mga mananampalataya.
Idinadalangin din po namin ang aming mga sarili, turuan Mo po kaming buong pagpapakumbabang tumanggap ng mga pagwawasto. Magawa rin po sana naming ituwid ang aming kapwa nang may pagmamahal at pagmamalasakit.
Ang lahat ng ito ay inaangkin naming natanggap na namin sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari sa lahat ng panahon. Amen.