28 Setyembre - 04 Oktubre 2014



“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.” (Juan 1:51)

28-Linggo 29-Lunes 30-Martes 01-Miyerkules 02-Huwebes 03-Biyernes 04-Sabado

_________________________________________

28 Setyembre 2014
Ika-26 Na Linggo Sa Karaniwang Panahon
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. (Unang Pagbasa: Ezekiel 18:25-28; Salmo: Awit 25:4-5. 6-7. 8-9; Ikalawang Pagbasa: Filipos 2:1-11; Mabuting Balita: Mateo 21:28-32)
I-click po dito para sa Gospel Reflection.

"Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.” (Mateo 21:32)

_________________________________________

29 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: Daniel 7:9-14; Salmo: Awit 138:1-5
Mabuting Balita: Juan 1:47-51

47 Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” 48 Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punong-igos, nakita na kita.”


49 Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” 50 Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.”


51 At idinugtong ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”


30 Setyembre 2014

Unang Pagbasa: Job 3:1-23; Salmo: Awit 88:2-8
Mabuting Balita: Lucas 9:51-56

51 Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. 52 Nagpadala siya ng mga sugo para mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. 53 Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta siya sa Jerusalem. 54 Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa langit para puksain sila?” 55 Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, 56 at sa ibang bayan sila nagpunta.


01 Oktubre 2014

Unang Pagbasa: Job 9:1-16; Salmo: Awit 88:10-15
Mabuting Balita: Lucas 9:57-62

57 Habang naglalakad sila, may nagsabi kay Jesus: “Susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” 58 At sinabi sa kanya ni Jesus: “May lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon; ang Anak ng Tao nama’y wala man lang mahiligan ng kanyang ulo.” 59 At sinabi naman niya sa isa: “Sumunod ka sa akin.” Sumagot naman ito: “Pauwiin mo ako para mailibing ko muna ang aking ama.” 60 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay; humayo ka naman at ipangaral ang kaharian ng Diyos.” 61 Sinabi naman ng isa pa: “Susunod ako sa iyo, Panginoon pero pauwiin mo muna ako para makapagpaalam sa aking mga kasambahay.” 62 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Hindi bagay sa kaharian ng Diyos ang humahawak ng araro at pagkatapos ay lumilingon sa likuran.”


02 Oktubre 2014

Unang Pagbasa: Exodo 23:20-23; Salmo: Awit 91:1-11
Mabuting Balita: Mateo 18:1-10

1 Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?”


2 Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, 3 at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. 4 Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. 5 At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.


6 Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito na naniniwala sa akin, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon siya sa ilalim ng dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg.


7 Sawimpalad ang daigdig dahil may kinatitisuran ang tao. Kailangang sumapit ang mga pagkatisod ngunit kaawa-awa ang tumitisod at nagpapadapa sa kanya.

8 Kung ang iyong kamay o paa ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw o pilay sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy na may dalawang paa at dalawang kamay. 9 At kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, dukutin mo ito at itapon. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na may isang mata kaysa matapon sa apoy ng Gehenna na may dalawang mata.

10 Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.


03 Oktubre 2014

Unang Pagbasa: Job 38:1-40:5; Salmo: Awit 139:1-14
Mabuting Balita: Lucas 10:13-16

13 Sawimpalad ka, Corazin! Sawimpalad ka, Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagdamit-sako at naupo sa abo at nakapagbalik-loob. 14 Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng paghatol. 15 At ikaw naman, Capernaum, dadakilain ka kaya hanggang langit? Hindi! Ibubulid ka sa impiyerno!


16 Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang di-tumatanggap sa inyo ay di-tumatanggap sa akin. At ang di-tumatanggap sa akin ay di tumanggap sa nagsugo sa akin.”


04 Oktubre 2014

Unang Pagbasa: Job 42:1-16; Salmo: Awit 119:66-130
Mabuting Balita: Lucas 10:17-24

17  Tuwang-tuwang nagbalik ang Pitumpu’t dalawa at ang sabi: “Panginoon, mga demonyo ma’y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan.” 18 Sinabi naman ni Jesus: “Nakita kong bumagsak na parang kidlat si Satanas mula sa langit. 19 Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil ninyo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang anumang makapipinsala sa inyo. 20 Subalit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa langit ang inyong mga pangalan.”


21 Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim  mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. 22 Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”


23 Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. 24 Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”


28-Linggo 29-Lunes 30-Martes 01-Miyerkules 02-Huwebes 03-Biyernes 04-Sabado

Mga kasulyap-sulyap ngayon: