Unang Linggo ng Adbiyento
03 Disyembre 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 30 Nobyembre 2014.)
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 30 Nobyembre 2014.)
Bahagi ng buhay natin ang mga pagsubok. Sa pamamagitan ng mga ito, nagiging matibay tayo sa buhay. Natututo tayong magtiis. Nagagawa nating makihati sa paghihirap na dinanas ni Hesus sa Kanyang pasyon para sa ating kaligtasan.
Pumapasok tayo ngayon sa isang bagong simula sa ating kalendaryong liturhikal. Ito'y isang bagong simula para sa mga Katoliko. .
Maririnig natin sa mga simbahan ang ating kapanabikan sa pagdating ni Hesus. "Halina, Hesus, halina!" ang maririnig nating inaawit ng choir sa ating mga misa.
Pinaghahandaan natin ang Pasko ng Pagsilang, ang pagdiriwang ng unang pagdating ng Salitang nagkatawang-tao. Gayundin naman, kinapapanabikan din natin ang muling pagbalik ng ating Panginoon sa huling araw. Habang nasa isip natin ang dalawang pangyayaring ito, pagnilayan natin sa ating mga sarili ang pag-ibig ng Diyos. Mag-focus tayo kay Hesus na nagkaloob sa atin ng Kanyang selfless love.
Ipinapaalala sa atin ng ating Ebanghelyo ngayong Linggo na maging laging handa. Babalik si Hesus sa oras at araw na hindi natin inaasahan.
Ito ang bagong simula. Iwanan na natin ang dati nating buhay ng kasalanan. We move forward. Tandaan nating minsang hinubad ng Salita ang lahat ng kaluwalhatian upang makipamayan sa mga katulad nating makasalanan. Isinilang si Kristo sa isang sabsaban. Isang abang pook para sa mga hayop. Ginawa Niya ang lahat ng ito para sa atin.
Nariyan pa rin ang problema. Imbis na panghinaan tayo ng loob. Tandaan nating lagi na kasama natin ang Diyos. Na hindi tayo nag-iisa sa ating pagharap sa mga pagsubok ng buhay.
Sa Pangalan ni Hesus, kaya natin ang lahat ng ito. Kaya, keep moving forward. Kalimutan ang lumang makasalanang buhay. Maghanda sa pagdating ng ating Panginoon!
Panalangin:
Ama, Ikaw na nagmahal sa amin ng lubos, Ikaw na nagkaloob ng Iyong Bugtong na Anak upang magkamit kami ng kaligtasan, ang aming puso, isip, kaluluwa at buong pagkatao ay sumasamba, lumuluwalhati at nagpupuri sa Iyo.
Sa pagdating ng Adbiyento, turuan po sana kami ng Espiritu Santo na magnilay sa walang hanggan Mong pagmamahal. Talikdan po sana namin ang aming mga kasalanan. Tulungan Mo po kaming lalong palalimin ang aming relasyon kay Hesus.
Maging handa po sana kami sa Kanyang pagbabalik.
Sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.