Gift Wrap

Gospel Reflection

Ikalawang Linggo ng Adbiyento
06 Disyembre 2020
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 07 Disyembre 2014.)


Imagine this.

Nakatanggap ka ng isang napakalaking Christmas gift. Mamahalin at maganda ang balot. Excited ka nang buksan mo ang nasabing regalo. Nagtataka ka dahil habang tinatanggal mo ang gift wrap, napansin mong may gift wrap uli sa loob. Nakailang tanggal ka na ng gift wrap. Hanggang sa maubos ang mga pambalot. Wala palang laman ang regalo. Puro gift wrap lang.

Sa Pilipinas ginaganap ang isa sa pinamahabang pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Makikita na natin ngayon sa maraming mga bahay ang mga dekorasyong Pamasko. Christmas tree. Parol. Christmas lights. Atbp.
Marami sa atin ang espisipiko sa mga detalye at tinitiyak nating magiging maganda ang ayos ng ating mga bahay. 

May ilan din sa ating iniisip na ang kanilang ihahanda sa noche buena. Ang iba nama'y namimili na ng mga regalo at mga isusuot sa kanilang mga Christmas party

Sa Ebanghelyo natin, sumisigaw si Juan Bautista ukol sa paghahanda. Ang hinihingi niya'y pangkaloobang paghahanda. Kaiba ang paghahandang hinihingi niya sa ating mga nakasanayan. Espisipiko tayo sa mga detalyeng panlabas. Mas mahalaga sa atin ang itsura kaysa sa esensya ng okasyon.

Ang Pasko ay tungkol sa pagsilang ni Hesus, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Ito ang puso ng Kapaskuhan. Ito ang pinakamahalagang regalong natanggap natin mula sa Diyos. Inibig Niya tayo ng lubos kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak para sa ating kaligtasan.

“Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos,” ang sigaw ni Juan Bautista.

Nakahanda na ba tayong tanggapin ang napakagandang regalong mula sa Diyos? Handa na ba tayong tanggapin si Hesus sa ating mga puso? 

Dahil kung magiging magaling tayo sa mga materyal na paghahanda subalit wala sa puso natin ang sanggol na si Hesus na tunay na diwa ng Pasko, para tayong regalong binalot ng napakagandang gift wrap pero walang laman.

Panalangin:

Aming Ama, sinasamba at niluluwalhati po namin ang Iyong pangalan. Pasasalamat at pagmamahal ang kaloob namin dahil ipinagkaloob Mo sa amin ang Iyong Anak upang magkaroon kami ng pagkakataon sa buhay na walang hanggan. Salamat po sa pag-ibig Mo.

Gabayan po sana kami ng Espiritu Santo na ihanda ang aming mga sarili sa aming pagdiriwang ng pagsilang ng Iyong Anak. Turuan Mo po kaming i-focus ang aming mga sarili kay Hesus na lagi naming kasama. Hindi Niya kami kailanman pinabayaan. 

Maituwid po sana namin ang daanan Niya patungo sa aming mga puso. Mahirap man ang landas sa pagbabago. Bigyan Mo po kami ng lakas na magkaroon ng tapang na lumapit sa Iyo.

Sa pangalan ni Hesus na nagkatawang-tao at isinilang sa isang sabsaban, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: