Ikaapat Linggo ng Adbiyento
20 Disyembre 2020
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 21 Disyembre 2014.)
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 21 Disyembre 2014.)
"Then one night, somewhere between deep sleep and insomnia, I had the most comforting dream about my mother, who died when I was only 14.
So in this dream twelve years later, my mother appeared, and there was her face, completely clear, particularly her eyes, and she said to me very gently, very reassuringly: 'Let it be.' " - Paul McCartney
Ito ang paglalahad ni Paul McCartney tungkol sa kuwento sa likod ng kantang "Let It Be" na pinasikat ng bandang Beatles. Mary ang pangalan ng kanyang ina na binabanggit niya sa linyang "When I find myself in times of trouble, Mother Mary comes to me."
Sa mahabang panahon, maraming tao ang nag-aakalang ang kantang ito'y isinulat ng may kaugnayan sa Ebanghelyo natin sa linggong ito. Lalo na sa itinugon ni Birheng Maria sa ibinalita ni Anghel Gabriel, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.”
At totoong hindi maikakaila ang pagkakahawig ng mensahe ng nasabing kanta at ng Ebanghelyo. Isinulat ni McCartney ang kanta sa mga panahong magulo at parang walang direksyon ang Kanyang buhay. Tumugon si Maria kay Anghel Gabriel habang hindi Niya tiyak kung ano ang mangyayari sa kanya matapos malaman ang Mabuting Balita. Maaari siyang mamatay sa pamamagitan ng pagbato kapag nalaman ng mga kababayang buntis siya.
Ipinapaalala sa atin ni Birheng Maria-- at ng ina ni McCartney-- ang kahalagahan ng pagtitiwala at ng pagsunod sa Diyos. Nagbibigay ito ng lakas sa panahong magulo ang ating buhay at hindi natin alam ang ating gagawin. Ehemplo din ito para sa ating mga patuloy na tinatawag ng Diyos subalit hindi natin alam kung paano tayo magsisimula o magpapatuloy.
Tinanggap ni Maria si Hesus sa kanyang buhay nang buong pagpapakumbaba siyang sumang-ayon sa sinabi ng anghel. Sa panahon ng Adbiyento, matutunan din sana nating tanggapin sa ating buhay si Hesus na patuloy na kumakatok sa ating mga puso. Ialay sana natin sa Diyos ang ating buong pagkatao.
Marami tayong mga alalahanin. Marami tayong mga plano para sa kinabukasan subalit tandaan nating may mas magandang plano sa atin ang Diyos.
Let it be! Tayo'y mga abang alipin ng Panginoon, maganap nawa sa atin ang naaayon sa kalooban ng Diyos.
Panalangin:
Amang lubos ang kapurihan at kaluwalhatian, kami'y mga lingkod Mo, gamitin Mo po kami para sa Iyong ikaluluwalhati.
Ang aming mga puso ay sa Iyo po lamang namin inihahandog. Ang aming buhay ay inilalagay namin sa Iyong mga kamay. Alam po naming may mga plano Kayo para sa aming kabutihan. Nagpapailalim po kami sa Iyong paghahari.
Hayaan Mo pong ganapin namin ang Iyong kalooban. Lalo na po ngayong Kapaskuhan. Maging instrumento po sana kami para maramdaman ng aming kapwa ang pag-ibig Mong tunay na diwa ng Pasko.
Sa Iyong kabutihan, kami ay nagtitiwala. Kami ay mga anak Mo. Ikaw ang aming Ama.
Sa pangalan ni Hesus, aming Panginoong isinilang ng isang birhen katulad ng ipinahayag ng propeta at ng ibinalita ni Anghel Gabriel kay Birheng Maria. Si Kristo ay kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.