Living In The Spirit


Ikaapat Na Linggo sa Karaniwang Panahon 
31 Enero 2021

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 01 Pebrero 2015.)


Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, pinalayas ni Hesus sa katawan ng isang lalaki ang masamang espiritu. This made me think, anong espiritu ba ang nasa loob natin? Nasa atin ba ang Espiritu Santo o nananaig sa atin ang masamang espiritu?

Sa ating panahon, kumikilos ang masamang espiritu sa maraming paraan at gamit ang maraming mga bagay. Katunayan, madalas na hindi na niya kailangang aktwal na saniban ang tao para masabing kanya ito.

Gumagamit siya ng ibang mga tao at mga bagay sa ating paligid upang tayo'y matuksong mag-isip, makaramdam at makagawa ng kasalanan. Ginagamit rin niya ang ating mga kahinaan. Sabi nga ng mga preacher, "dinadale tayo ng kalaban kung saan tayo mahina."

Marami sa atin ang hindi namamalayan na nagkakasala na tayo. Ang simpleng pagka-addict sa internet-- sa social media man o sa games-- ay isang kasalanan. Masama ang lahat ng sobra. Dahil sa masyado nating pagiging abala sa maraming bagay ng mundo, nawawalan na tayo ng oras para magdasal. Nalilimutan na nating palalimin ang ating pananampalataya.

(Pansinin natin, dati-rati pagkagising natin o bago tayo kumain ay nagdarasal muna tayo. Pero ngayon ay naga-update muna tayo ng ating status sa fb o nagtwi-tweet muna sa twitter. Hindi na siguro kailangang ipaliwanag na ganito rin ang kaso sa sobrang pagse-selfie.)

Kung gayon, paano natin matitiyak na hindi tayo malilinlang ng masamang espiritu? 

Focus more on Jesus. Sikapin nating nakatuon ang ating atensyon sa ating Panginoon. Kahit nasaan tayo, lagi nating hingin ang patnubay ng Espiritu Santo. Panatiliin nating mainit ang ating relasyon sa Kanya sa pamamagitan ng madalas na pagdarasal, paglilingkod sa iba at pakikipag-uganayan sa mga kapwa natin lingkod.

Si Hesus ang dakilang propetang ipinangako sa Lumang Tipan. Sinunod Niya ang kalooban ng Ama. Ipinahayag Niya ang Mabuting Balita sa mga Israelita. Pinalayas Niya ang masasamang espiritu noong makipamayan Siya sa atin. Idalangin natin sa Kanyang pangalan na lagi tayong ilayo sa tukso at panatilihin sa atin ang Banal na Espiritu.

Panalangin:

O Amang makapangyarihan sa lahat, ang puso, isip at buong pagkatao nami'y ipinagkakaloob namin sa Iyo. Gamitin Mo po kami. 

Ipinadala Mo po sa amin ang Inyong Bugtong na Anak upang maging tagapagpahayag at tagapagpatupad ng Iyong kalooban, turuan Mo po kaming tularan ang Kanyang mga halimbawa.

Palayasin Mo po sa aming pagkatao ang impluwensya ng mga masasamang espiritu ng mundo. Ilayo Mo po kami sa tukso. Bagkus, manahan po sana sa aming ang Banal na Espiritung aming lakas, pag-asa at tagapagpabanal.

Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, aming personal na Tagapagligtas, kasama Mong lagi at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: