Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
07 Pebrero 2021
Sa lamig ng panahon nitong nakaraang mga linggo, usung-uso ang iba't-ibang sakit. Ubo. Sipon. Lagnat. Trangkaso. Tonsilitis. (Idagdag pa ang pandemyang kinakaharap natin ngayon, ang COVID-19.)
Marami sa atin ang nangangailangan ng kagalingan. Marami ang naghahanap ng kaginhawahan.
Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, pinagaling ni Hesus ang maraming mga Israelita. Ang mga tao sa panahon Niya'y katulad din natin. Pagod sa pagtatrabaho. Naghahanap ng masusulingan. At natagpuan nila ang paghihilom sa piling ng ating Panginoon. Hindi lang kagalingan ng kanilang mga katawan kundi pati ng kanilang isipan, puso at kaluluwa. At hindi lang Niya ito ginawa sa iisang bayan. Sinikap Niyang abutin ang higit na nakararami.
Usong-uso ang mga hugot ngayon. Marami ang nagiging negatibo ang mga pananaw sa buhay. Lalo na sa pag-ibig. Wala daw forever. Ang hirap kasi sa atin, naghahanap tayo ng forever sa mga taong may limitasyon. May tunay na forever sa Kanyang walang hanggan at walang limitasyon kung magmahal. Sa Diyos lamang natin mararanasan ang tunay nating forever.
Si Hesus ang Dakilang Tagapaghilom. Hinihimok tayo ngayong Linggo na magtiwala sa Kanyang mapaghilom na pag-ibig. Tinatawag tayo ng Diyos na lumapit sa Kanya.
At hindi lang 8-hour-relief ang inaalok Niya. Isang mapagpagaling na pag-ibig na walang expiration. Sabi nga, healing love 24/7. Panlaban natin sa COVID-19, kasama ang mga safety protocols.
Panalangin:
Amang lubos na nagmamahal sa amin, Ikaw na hindi napapagod na abutin kami, ang lahat ng pagsamba, pagluwalhati at pagmamahal ang laan namin sa Iyo.
Pasasalamat ang paabot naming mula sa aming mga puso. Salamat po at ipinagkaloob Mo sa amin ang Iyong Anak na Dakilang Tagapaghilom ng aming mga sugat at sakit. Hinahayaan po naming hipuin Niya ang aming mga pagkatao. Siya ang aming Panginoon. Ituro sana ng Espiritu Santo ang aming pagtulad sa Kanya.
Ama, itinataas po namin sa Inyo ang mga may sakit sa mga oras na ito. Lalo na po ang mga may COVID-19. Tulungan po sana Ninyo silang bumangon mula sa banig ng kanilang karamdaman. Tunay nga pong walang malalang sakit kung loobin Ninyong gumaling sila.
Sa pangalan ni Hesus, ang aming Dakilang Tagapaghilom, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.