Nakasanayan Lang?


Ikalimang Linggo Ng Pasko Ng Pagkabuhay
02 Mayo 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 03 Mayo 2015.)



Kapag nakikita ako ng mga dating kasamahan ko sa simbahan na nagse-serve pa rin ako sa aming parokya, madalas kong marinig ang remarks na, "buti nakakapag-serve ka pa rin. Sabagay, nakasanayan mo na 'yan."

Ngiti lang ang madalas kong iginaganti sa kanila. Sa totoo lang, hindi ko lang masabi sa kanilang maraming beses na rin akong nawala sa parokya. Ilang beses na rin akong nag-lie-low

(Katunayan, ang blog na ito'y sinimulan ko noong panahong naka-lie-low ako sa paglilingkod. Ito ang naging alternatibong service ko noong bagong silang ang aming baby girl.)

Ang kaibahan lang, ilang beses na rin akong nagbalik sa paglilingkod. Ilang beses man akong nawala, nagagawa ko pa ring tahakin ang daan pabalik.

Maraming mga bagay akong nakasanayang nagawa ko nang iwanan. Kasama rito ang mga bagay na halos naging bisyo ko na. Pero ewan ko nga ba, parang iba talaga ang "calling" Niya.

Dahil sa totoo lang, parang laging may kulang sa buhay ko kapag wala ako sa paglilingkod. Parang may malaking puwang na naiiwan sa puso ko kapag hindi ko napupuntahan ang mga activities na nagiging daan para mapalapit ako sa Kanya.

Siya ang kumukumpleto sa amin. Si Hesus ang nagbibigay ng kahulugan, direksyon at kabuluhan sa buhay ng pamilya ko. Ang lahat ng kabutihang ginagawa namin sa araw-araw ay nag-uugat sa pag-ibig namin sa Kanya.

Madali para sa aking iwasan ang mga bagay na "nakasanayan lamang", napatunayan ko na 'yon sa maraming bagay at pangyayari sa buhay ko. Pero iba si Hesus. Hindi Siya basta nakasanayan lang. 

Ako nga ang sanga at Siya ang puno. Wala akong magagawa kung wala ako sa Kanya. Kulang ang buhay ko kung malayo ako sa Kanya.

Panalangin:

Ama, papuri at pagsamba ang sa Iyo. Kami'y mga lingkod Mong nagsisikap sumunod sa halimbawa ng Iyong bugtong na Anak na si Hesus. 

Siya ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Wala kami kung wala Siya. Walang saysay ang lahat ng aming mga pagsisikap kung hindi Niya kami tinubos mula sa kasalananan. Sa pamamagitan Niya, nagkaroon kami ng pag-asa sa pagkakaroon ng buhay na walang hanggan. 

Salamat po sa lahat ng ito. Napakaraming biyaya ang ipinagkakaloob Mo sa amin sa araw-araw. Biyaya Mo ang bawat umagang dumarating sa amin. 

Ama, salamat po sa patuloy Mong pag-ibig sa amin. Tunay ngang ikaw ang tagapag-alaga, si Hesus ang puno at kami ang mga sanga. Salamat po, Panginoon. Salamat po.

Sa pangalan ni Hesus, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: