Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon
20 Hunyo 2021
Noong mga bata pa kami, mahilig kaming magpipinsang gumawa ng mga bangkang papel. Palibhasa'y taga-Malabon kami at alam naman ng marami na maraming tubig sa Malabon. Kilala ang lugar namin sa pagbaha.
Madalas naming paanurin ang mga bangkang papel sa baha o kaya'y sa mga daluyan ng tubig. Nakakatuwang tingnan ang bangkang papel habang inaanod ito ng agos ng tubig. Nakakalungkot nga lang kapag nag-umpisa na itong lumubog at sirain ng tubig.
At ganito ang ating mga buhay sa mundo bilang mga tao. Masarap sa pakiramdam habang smooth ang paglalakbay natin sa buhay hanggang sa mamalayan na lang nating unti-unti na tayong lumulubog. Sa ganitong mga pagkakataon, nakakaramdam na tayo ng pangamba. Nagsisimula na tayong mataranta. Mag-panic. Hindi natin alam kung saan tayo susuling. Kung kanino tayo hihingi ng tulong.
At ganito ang ating mga buhay sa mundo bilang mga tao. Masarap sa pakiramdam habang smooth ang paglalakbay natin sa buhay hanggang sa mamalayan na lang nating unti-unti na tayong lumulubog. Sa ganitong mga pagkakataon, nakakaramdam na tayo ng pangamba. Nagsisimula na tayong mataranta. Mag-panic. Hindi natin alam kung saan tayo susuling. Kung kanino tayo hihingi ng tulong.
Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, direkta at makapangyarihan ang tanong ni Hesus sa Kanyang mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” (Marcos 4:40)
Tinanong Niya ito sa kanila matapos Niyang pakalmahin ang bagyong bumabayo sa sinasakyan nilang bangka. Pinatigil ni Hesus ang bagyo sa pamamagitan ng pag-uutos sa kalikasan.
Mayro'n nga ba tayong dapat katakutan? Kung nasa sa atin si Hesus, makakaya nating harapin ang mga bagyo ng ating mga buhay ng may sapat na pananalig at ganap na pagtitiwala sa Diyos.
Jesus is in control. Hindi tayo bibigyan ng Diyos ng pagsubok na hindi natin kaya. Hawak lang sa Kanya. Kakayanin natin ang lahat sa pangalan ni Hesus.
Sabi nga ng isang post sa facebook, "Don't tell God you have a big problem. Tell your problem you have a big God."
Kaya, tayo ma'y mga bangkang papel sa gitna ng bagyo, ang kamay ng Diyos ang magliligtas sa atin. Manalig tayo sa pag-ibig Niyang hindi lumilimot at nagpapabaya.
Panalangin:
Ama namin, hayaan Mo pong sambahin at luwalhatiin Ka namin sa pamamagitan ng aming pananalig ng ganap sa Iyong kapangyarihan at pag-ibig na hindi nagmamaliw.
Kinalma ni Hesus ang unos habang naglalakbay sila ng Kanyang mga apostol sakay ng isang bangka, hinihingi po naming kalmahin Niya ang unos na nagaganap sa aming mga puso habang hinaharap ang mga daluyong sa aming buhay. Tulungan Mo po kaming harapin ang aming mga problema ng may pagtitiwala sa Iyong kalooban.
Batid po naming hindi mo po kami pababayaan. Ama, ang aming buhay ay ipinagkakatiwala namin sa Iyo.
Sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.