'Wag Kalimutan Ang Diyos


Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon
10 Oktubre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 11 Oktubre 2015)


Talagang striking ang kantang ito. Napaka-prangka at nakapaka-honest ng pagkakasulat sa mga titik. Kahit na parang masyadong galit ang style ng tugtog at pagkanta.


Dito ba sa mundo ano ang tunay na kailangan,
Ang magpakasarap at magkamit ng kayamanan?
Anumang kayamanan na akala mo'y walang hangganan
Darating ang panahon yan ay iyong iiwan.

Itinutulak tayo nitong pagnilayan ang ating mga priorities at mga katotohanang ating pinanghahawakan.

Eh ano ba'ng gusto mo na magpapasaya sa iyo
Ito ba ang karangyaan sa pamumuhay?
Malaking bahay, Magarang kotse, Maraming Pera,
Magandang asawa, May mga anak, magandang damit,
Masarap na pagkain, sikat na sikat kasi may pangalan
Pero nakalimutan ang diyos?

Gusto mo bang kamtin ang buhay na walang hanggan? “Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; huwag kang magdaraya; igalang mo ang iyong ama’t ina.’ ”

At kung ginagawa mo na ito, ito pa ang kulang mo: “Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.”

Mabigat ang mga Salita ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayong linggo. Direkta nitong sinasagot ang requirements sa pagkakamit ng buhay na walang hanggan. Kinakailangan nating sundan ang halimbawa ni Hesus. Ang Kanyang selfless na pag-ibig na naghatid sa Kanya sa Kanyang pasyon, kamatayan at muling pagkabuhay.


Kung naghirap ang ating Panginoong Hesus, hindi tayo higit na dakila sa Kanya. Kinakailangan din nating maghirap sa buhay na ito. Kinakailangan nating makihati sa Kanyang pasyon, pagkamatay at muling pagkabuhay. Kaya huwag tayong magreklamo kung dumaranas tayo ng pagsubok. Isipin nating ito'y pagsunod natin kay Hesus habang pasan ang ating krus. Manatili tayo sa kabutihan.


Subalit paano ang mga mayayaman? Paano sila makikihati sa pasyon ni Hesus? Kailangan nilang hindi panghawakan ang kanilang kayamanan. Kailangan nilang tanggaping kailangan nila ang Diyos. Na maging number one sa buhay nila ang Diyos. 


Mahirap ito dahil habang nasa kanila ang kaginhawahan, mas madali silang matukso. Mas madali silang makalimot. Kaya nga sinabi ng Panginoon, “Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.”


Sa totoo lang, hindi naman kuwestiyon kung mayaman ka o mahirap. Mahirap kamtin ang buhay na walang hanggan. Kailangan nating matutong magbahagi. Kailangan nating matutunang makihati sa paghihirap ng ating kapwa. Sa ganoong paraan, matututunan natin silang mahalin. At anumang gawin natin sa pinakaaba ay ginawa natin kay Kristo.


Ano ba ang higit na magpapasaya sa iyo? Ito bang karangyaan sa pamumuhay? Gusto mo ba ng buhay na walang hanggan? Limutin mo ang ukol sa iyong sarili, makibahagi sa paghihirap ni Kristo at ng iyong kapwa, at sumunod kay Hesus.



Panalangin:

O aming Amang makapangyarihan sa lahat, ang lahat ng ito ay nagmula sa Iyo, sa pamamagitan ng paggabay ng Banal na Espiritu, matutunan po sana namin itong ibalik sa Iyo. Luwalhatiin at sambahin Ka ng aming kaluluwa. Hindi lamang sa pamamagitan ng aming mga labi kundi sa pang-araw-araw naming mga gawa.


Ama, tulungan Mo po kaming pahalagahan ang aming kapwa. Mapagtanto po sana naming higit silang mahalaga kaysa anumang kayamanan ng mundong ito.


Batid po naming mahirap kamtin ang Iyong paghahari, imposible ito kung ang aming sariling mga kakayahan ang aming sasandalan, subalit wala pong imposible sa Inyo. Loobin Mo po sanang makasama kami sa Iyong paghaharian sa buhay na walang hanggan.


Bigyan Mo po kami ng pusong nagmamahal ng walang patid. Sa pangalan ni Hesus, na nagpahayag sa amin ng walang hanggang pag-ibig, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: