Ikaapat na Linggo ng Adbiyento - 20 Disyembre 2015



Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!” (Lucas 1:42)

Unang Pagbasa: Mikas 5:1-4

Ito ang sinasabi ng Panginoon: Betlehem Efrata, bagamat pinakamaliit ka sa mga angkan ni Juda ay sa iyo magmumula ang isang maghahari sa Israel. Ang pinagmula’y buhat pa nang una, mula pa noong unang panahon.

Kaya nga, ang bayan ng Panginoon ay ibibigay niya sa kamay ng mga kaaway hanggang sa isilang ng babae ang sanggol na maghahari. Pagkatapos, babalik sa Israel ang nalabi sa bansang ito.

Pagdating ng haring yaon, pamamahalaan niya ang Israel sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon; taglay niya ang kadakilaan ng pangalan ng Panginoon na kanyang Diyos. At ang Israel ay mamumuhay na ligtas, sapagkat ang haring yaon ay kikilalanin ng buong sanlibutan. Sa kanya magmumula ang kapayapaan natin.

Salmo: Awit 80:2-3. 15-16. 18-19

Tugon: Akitin mo, Poong mahal,
           iligtas kami’t tanglawan!

Pastol ng Israel, kami ay pakinggan; mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan. Sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, at tubusin sa hirap!

Ika’y manumbalik, O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas, at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas. Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas, yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas!

Ang lingkod mong mahal ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay iyong ipagsanggalang, iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan! At kung magkagayon, magbabalik kami’t di na magtataksil sa ‘yo kailanman, kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan.

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 10:5-10

Noong si Kristo’y manaog sa sanlibutan, sinabi niya sa Diyos, “Ang mga hain at handog na mga hayop ay hindi mo ibig, kaya’t inihanda mo ang aking katawan upang maging hain. Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin at ang mga handog dahil sa kasalanan. Kaya’t aking sinabi, ‘Narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban’ – Ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.”

Sinabi muna niya, “Hindi mo inibig o kinalugdan ang mga hain at handog na mga hayop, mga handog na susunugin at mga handog dahil sa kasalanan” – bagamat ito’y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya sinabi, “Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Kristo.

At dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nilinis tayo ni Hesukristo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng kanyang sarili at iyo’y sapat na.

Mabuting Balita: Lucas 1:39-45

Hindi nagtagal at si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Juda. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet.

Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak na sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan.

Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: