Ikatlong Linggo ng Kuwaresma - 28 Pebrero 2016



“Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.” (Lucas 13:5)


Unang Pagbasa: Exodo 3:1-8a. 13-15

Noong mga araw na iyon, si Moises ang nag-aalaga sa kawan ng biyenan niyang si Jetro. Minsan, itinaboy niya ang kawan pabagtas ng disyerto at nakarating siya sa Horeb, sa Bundok ng Diyos. 

Doon, ang anghel ng Panginoon ay napakita sa kanya, parang ningas sa gitna ng isang mababang punongkahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ito ngunit hindi nasusunog. Kaya’t nasabi niya sa kanyang sarili, “Kataka-taka ito! Tingnan ko ngang mabuti kung bakit di nasusunog gayong nagliliyab.” Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ng Panginoon buhat sa nagliliyab na punong-kahoy, “Moises, Moises.” “Ano po iyon?” sagot niya. Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na dako ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos ng iyong mga magulang – nina Abraham, Isaac at Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha pagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap nilang tinitiis at narinig ko ang kanilang daing. Kaya, bumaba ako upang sila’y iligtas, ialis sa Egipto at ihatid sa lupaing mayaman, malawak at sagana sa lahat ng bagay.” 

Sinabi ni Moises, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako’y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?” Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga, ng Panginoon, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ng Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. Ito rin ang pag-alala sa akin ng lahat ng salinlahi.”

Salmo: Awit 102 

Tugon: Ang ating mahabaging Diyos 
            ay nagmamagandang-loob!

Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa, 
ang pangalan niyang banal, purihin mo sa tuwina. 
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan, 
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan. 

Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad, 
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat. 
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas, 
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.

Panginoo’y humahatol, ang gawad ay katarungan; 
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan. 
Ang balangkas niya’t utos kay Moises ibinilin; 
ang kahanga-hangang gawa’y nasaksihan ng Israel. 

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos, 
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos. 
Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya, 
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 10:1-6.10-12 

 Mga kapatid: Ibig kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno na sumunod kay Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay, at tumawid sa Dagat na Pula. Sa gayon, nabinyagan silang lahat sa ulap at sa dagat bilang tagasunod ni Moises. Kumain silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal at uminom din ng iisang inuming espirituwal, mula sa Batong espirituwal, na sumubaybay sa kanila, at ang Batong iyon ay si Kristo. 

Gayunman, hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya’t nagkalat sa ilang ang kanilang mga buto. 

Ang mga nangyaring ito’y babala sa atin upang huwag tayong magnasa ng mga masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya’t nilipol sila ng Anghel na Mamumuksa. Nangyari ito sa kanila bilang babala sa iba, at nasulat upang turuan tayong mga inabot ng huling panahon. 

Kaya nga, mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya’y nakatayo, baka siya mabuwal.

Mabuting Balita: Lucas 13:1-9

Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Hesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang Galileo samantalang ang mga ito’y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, higit na makasalanan ang mga Galileong ito kaysa ibang mga taga-Galilea dahil sa gayon ang sinapit nila? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe – sa akala ba ninyo’y higit silang makasalanan kaysa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.” 

Sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: “May isang tao na may puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ito, ngunit wala siyang nakita. Kaya’t sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na! Nakasisikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!’ ” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: