Ito ang sinasabi ng Karunungan
ng Diyos: “Sa lahat ng nilikha ng
Poon, ako ang siyang una, noong
una pang panahon ako ay nilikha
na. Matagal nang panahon nang
anyuan niya ako, bago pa nilikha
at naanyo itong mundo. Wala pa
ang mga dagat nang ako’y lumitaw,
wala pa ang mga bukal ng tubig na
malilinaw. Wala pa ang mga burol,
ganoon din ang mga bundok, nang
ako ay isilang dito sa sansinukob.
Ako muna ang nilikha bago ang lupa
at bukid, nauna pa sa alabok, at sa
lupang daigdig.
Nang likhain ang mga langit,
ako ay naroon na, maging nang ang hangganan ng langit at lupa’y italaga.
Naroon na rin ako nang ang ulap ay
ilagay, at nang kanyang palitawin
ang bukal sa kalaliman. Nang ilagay
niya ang hangganan nitong dagat,
nang patibayan nitong mundo ay
ilagay at itatag, ako’y lagi niyang
kasama at katulong sa gawain, ako
ay ligaya niya at sa akin siya’y aliw.
Ako ay nagdiwang nang daigdig ay
matapos, dahil sa sangkatauhan,
ligaya ko ay nalubos.”
Salmo: Awit 8
B –Maningning ang iyong ngalan,
Poon, sa sangkalupaan!
Ang likha mong langit, kung
aking pagmasdan,
pati mga tala,
bituin at buwan;
ano nga ang tao
upang ‘yong alalahanin?
Ay ano nga
siya na sukat mong kalingain?
Nilikha mo siya, na halos kapantay
ng iyong luningning at kadakilaan!
Pinamahala mo sa buong
daigdig,
sa lahat ng bagay malaki’t
maliit.
Mga baka’t tupa, hayop na
mabangis
at lahat ng ibong nasa
himpapawid,
at maging sa isda, sa
‘lalim ng tubig.
Ikalawang Pagbasa: Roma 5:1-5
Mga kapatid:
Yamang napawalang-sala na
tayo dahil sa pananalig sa ating
Panginoong Hesukristo, sa pamamagitan
niya’y mayroon na tayong
kapanatagan sa harapan ng Diyos.
Sa pamamagitan nga niya’y tinatamasa
natin ang kagandahang-loob
ng Diyos, at lubos tayong nagagalak
sa ating pag-asa na makakasama sa kanyang kaluwalhatian. Bukod
dito, nagagalak tayo sa ating mga
pagbabata sapagkat alam nating
ito’y nagbubunga ng pagtitiyaga.
At ang pagtitiyaga ay nagbubunga
ng katatagan, at ang katatagan ay
nagbubunga ng pag-asa.
Hindi tayo nabibigo sa ating
pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng
Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso
sa pamamagitan ng Espiritu Santo
na ipinagkaloob na sa atin.
Mabuting Balita: Juan 16:12-15
Noong panahong iyon, sinabi
ni Hesus sa kanyang mga alagad:
“Marami pa akong sasabihin sa
inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang
unawain ngayon.
Pagdating ng Espiritu ng katotohanan,
tutulungan niya kayo
upang maunawaan ninyo ang buong
katotohanan. Sapagkat magsasalita
siya, hindi sa ganang kanyang sarili;
sasabihin niya sa inyo ang kanyang
narinig, at ipapahayag ang mga bagay
na darating. Pararangalan niya kayo,
sapagkat sa akin magmumula ang
ipapahayag niya sa inyo.
Ang lahat ng sa Ama ay akin;
kaya ko sinabing sa akin magmumula
ang ipapahayag niya sa inyo.”