Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon - 26 Hunyo 2016



“Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.”  (Lucas 9:60)

Unang Pagbasa: 1 Hari 19:16. 19-21

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Elias: “Pahiran mo ng langis si Eliseo na anak ni Safat na taga-Abel-mehola, bilang propetang hahalili sa iyo.” 

Umalis si Elias at natagpuan niya si Eliseo na nag-aararo. Labindalawang pares ng toro ang ginagamit niya, at kaagapay siya ng huling pares. Pagdaan ni Elias sa tapat ni Eliseo, isinuklob niya rito ang kanyang balabal. 

Pagdaka’y iniwan ni Eliseo ang mga toro, humabol kay Elias at nakiusap: “Magpapaalam po muna ako sa aking ama’t ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo.” Sumagot si Elias: “Sige, umuwi ka muna.” 

Umuwi nga si Eliseo. Nagpatay siya ng isang pares na toro at iniluto. Ginamit niyang panggatong ang mga pamatok at mga araro. Ipinakain niya ito sa mga tao, at sumunod kay Elias at naging katulong nito.

Salmo: Awit 15 

Tugon: D’yos ko, aking kapalara’y 
               manahin ang iyong buhay!

O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod, 
ang hangad ko ay maligtas kaya sa ’yo dumudulog. 
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos. 
“Kabutihang tinanggap ko ay ikaw ang nagkaloob.” 
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay, 
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan. 

Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay. 
Kahit gabi diwa niya ang sa aki’y umaakay. 
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras. 
Sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag. 

Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak. 
Ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag. 
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak, 
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas. 

Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan, 
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan; 
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan. 

Ikalawang Pagbasa: Galacia 5:1.13-18

Mga kapatid: Pinalaya tayo ni Kristo upang manatiling malaya. Magpakatatag nga kayo, at huwag nang paaalipin uli! 

Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang pita ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa’t isa dahil sa pag-ibig. Sapagkat ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Ngunit kung kayu-kayo’y magkakagatan at magsasakmalang parang mga hayop, mauubos kayo. 

Ito ang sinasabi ko sa inyo: ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at huwag ninyong susundin ang pita ng laman. Sapagkat ang mga pita ng laman ay laban sa mga ninanasa ng Espiritu, at ang mga ninanasa ng Espiritu ay laban sa mga pita ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang ibig ninyong gawin. Kung kayo’y pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan. 

Mabuting Balita: Lucas 9:51-62

Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Hesus sa langit, ipinasiya niyang pumunta sa Jerusalem. 

Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. Ngunit ayaw siyang tanggapin ng mga Samaritano sapagkat siya’y patungo sa Jerusalem. Nang makita ito nina Santiago at Juan ay kanilang sinabi, “Panginoon, payag ba kayong magpababa kami ng apoy mula sa langit upang pugnawin sila?” Ngunit bumaling siya at pinagsabihan sila. “Hindi ninyo alam kung anong uri ng espiritu ang sumasainyo,” sabi niya, “sapagkat naparito ang Anak ng Tao, hindi upang ipahamak ang mga tao kundi upang iligtas sila.” At nagtungo sila sa ibang nayon. 

Samantalang naglalakad sila, may taong nagsabi kay Hesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Hesus, “May lungga ang asong gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matuluyan o mapagpahingahan.” 

Sinabi ni Hesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ang tao, “Panginoon, hayaan po muna ninyo akong umuwi upang ipalibing ang aking ama.” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.” Sinabi naman ng isa, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit magpapaalam muna ako sa aking mga kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: