Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo
Kaya’t siya’y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay.
(Mateo 21:39)
Unang Pagbasa: Isaias 5:1-7
Ako ay aawit sa sinta kong mahal tungkol sa nangyari sa kanyang ubasan: Mayroong ubasan ang sinta kong mutya sa libis ng bundok na lupa’y mataba; hinukayan niya’t inalisan ng bato at saka tinamnan ang nasabing dako; mga piling puno ng mabuting ubas itinanim niya sa nasabing lugar; sa gitna’y nagtayo ng isang bantayan at nagpahukay pa ng sadyang pisaan. Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kanyang tanim ay magsipamunga. Ngunit ano ito? Pagdating ng araw ang kanyang napitas ay ubas na ligaw. Kaya’t kayo ngayon, taga-Jerusalem, at gayon din kayo, mga taga-Juda, kayo ang humatol sa aming dalawa: Ako, at ang aking ubasan. Ano pa ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan? Bakit nang ako’y mamitas, sa itinanim kong mabubuting ubas, ang nakuha ko ay ubas na ligaw?
Kaya’t ito ngayon ang gagawin ko sa aking ubasan: Papatayin ko ang mgahalamang nakapaligid dito. Wawasakin ko ang bakod nito. Hahayaan kong ito’y mapasok at sirain ng mga ilap na hayop. Pababayaan ko itong lumubog sa sukal, mabalot ng tinik at dawag; di ko babawasin ang sanga’t dahong labis, di ko pagyayamanin ang mga puno nito; at pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan. Ang ubasang ito’y ang bayang Israel, at ang Panginoon naman ang siyang nagtanim; ang mga Judiong kanyang inaruga ang mga puno ng ubas. At kanyang hinintay na ito’y gumawa ng mabuti ngunit naging mamamatay-tao, inaasahang magpapairal ng katarungan ngunit panay pang-aapi ang ginawa.
Salmo: Awit 79
Tugon: Panginoon, iyong tanim
ang ubasan mong Israel!
Mula sa Egipto, ikaw ang naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo’y palayasin.
Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat,
ang sangang malabay nito’y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti’t umabot sa Ilog.
Bakit mo sinira? Sinira ang pader,
kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
Mga baboy damong nagmula sa gubat,
niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop pawang nasa parang.
Ika’y manumbalik, O Diyos na Dakila!
pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
Lumapit ka sana ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas
yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas!
At kung magkagayon,
magbabalik kami’t di na magtataksil sa ’yo kailanman,
kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan.
Kami ay ibalik, Panginoong Diyos, at ipadama mo ang ‘yong pagmamahal.
Iligtas mo kami at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
Ikalawang Pagbasa: Filipos 4:6-9
Mga kapatid: Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Sa wakas, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.
Mabuting Balita: Mateo 21:33-43
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan: “Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga. May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at ito’y binakuran niya. Gumawa siya roon ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, kanyang iniwan sa mga kasama ang ubasan, at siya’y nagtungo sa ibang lupain.
Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga alipin upang kunin sa mga kasama ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang mga alipin; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo.
Pinapunta uli ng may-ari ang mas maraming alipin, ngunit gayon din ang ginawa ng mga kasama sa mga ito.
Sa kahuli-huliha’y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. ‘Igagalang nila ang aking anak,’ wika niya sa sarili. Ngunit nang makita ng mga kasama ang anak, sila’y nag-usapusap: ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’
Kaya’t siya’y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay.
Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga kasamang iyon?” Sumagot sila, “Lilipulin niya ang mga buhong na iyon, at paaalagaan ang ubasan sa ibang kasama na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas.”
Tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan. Ginawa ito ng Panginoon, at ito’y kahangahanga!’
Kaya nga sinasabi ko sa inyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Diyos kundi ang bansang maglilingkod sa kanya nang tapat.”