Si Birheng Maria At Ang Kaligtasan


Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Birheng Maria 

08 Disyembre 2023

I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


Dalisay na baso para sa dalisay na tubig. Ang dalisay na tubig upang manatiling malinis ay kailangang ilagay sa dalisay na baso o lalagyan sapagkat ang kadalisayan nito'y mababalewala kung ito'y ilalagay sa maruming lalagyan. Sa gayong paraan magagawang papagdalisayin ng nasabing tubig ang anumang linisin nito.
Malaki ang maitutulong ng analogy na ito para maunawaan natin ang dogma ng Immaculada Concepcion. Si Hesus ang dalisay na tubig na naglinis sa ating mga kasalanan (1 Juan 3:5).  Upang magawa Niya ito, kinailangan Niyang magkatawang-tao sa pamamagitan ng isang birheng lulukuban ng Banal Na Espiritu. 

Si Maria naman ang baso o lalagyan ng dalisay na tubig. Kung hindi naging malinis si Maria buhat sa oras ng paglilihi sa kanya, paano nanatiling dalisay si Hesus? Kung gano'n, tamang isiping si Maria, sa biyaya ng Makapangyarihang Diyos, ay ubod din ng linis buhat ng siya ay ipaglihi ng kanyang inang si Santa Ana (CCC 491). Dalisay na Mesias sa sinapupunan ng isang dalisay na ina.

Sasabihin ng maraming imposibleng mangyari ang bagay na ito sa isang ordinaryong dalagitang taga-Nazaret subalit dapat nating tandaan ang sinabi ng Anghel Gabriel sa ating ebanghelyo "...walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos." (Lucas 1:37)

Bahagi lamang ito ng isang napakalaking plano ng Diyos para sa ating kaligtasan. Mababakas natin ang nasabing plano buhat pa noong palayasin ng Diyos ang ating mga unang magulang na sina Adan at Eva sa paraiso. Katunayan, binanggit ng Diyos sa ahas ang mga katagang ito patungkol kay Hesus at Maria:


 "Kayo ng babae'y aking pag-aawayin,
binhi mo't binhi niya'y lagi kong paglalabanin.
Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo,
at sa sakong niya'y ikaw ang tutuklaw."
(Genesis 3:15)

Si Birheng Maria ay puno ng Grasya at lubos na kinalulugdan ng Diyos. Karapat-dapat lamang siyang alayan ng paggalang, pagmamahal at pagpaparangal na nauukol sa kanya. Kasama ng ating Simbahan, ipagsigawan nating isang birheng walang bahid ng kasalanan buhat nang siya'y ipaglihi ang kinasangkapan ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesus. At ang pangalan ng nasabing birhen ay Maria, Maria ng Nazaret.

O Birheng Mariang ipinaglihing walang sala, ipanalangin mo po kaming iyong mga anak. Amen.

Panalangin:

O Amang makapangyarihan sa lahat, Ikaw na pumili sa Birheng Maria upang maging ina ng aming Panginoong Hesus, patuloy ka po naming sinasamba, niluluwalhati at pinasasalamatan.

Panginoon, gabayan po ninyo kami,lalo na po ang mga taong dumaraan ngayon sa mabibigat na mga pagsubok. Kasama ang aming Inang Maria, tulungan mo po kaming patuloy na lumapit sa Iyong Anak at Panginoon naming si Hesus. Tularan nawa namin ang kanyang pagkamasunurin at kababaang-loob. Katulad niya, tanggapin nawa namin ang Iyong kalooban at buong tapang na harapin ang buhay ng may pagtitiwala sa Iyong kabutihan at awa.

O aming inang Birheng Maria na ipinaglihing ubod ng linis, binabati ka namin ng isang... (bigkasin ang Aba Ginoong Maria).

Ang lahat po ng ito'y hinihingi at inaangkin namin sa matamis na Pangalan ni Hesus na aming Panginoon, kasama ng Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: