Isang Bagong Simula Palapit Kay Kristo

Gospel Reflection

Unang Linggo ng Adbiyento
01 Disyembre 2024


Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. (Lucas 21:36)

Magandang buhay po sa inyong lahat!

Matapos ang halos isang taong hiatus (pagpapahinga), ibinabalik natin ang mga posts dito sa Sa Isa Pang Sulyap...

Isa po itong bagong simula na nataon naman sa Unang Linggo ng Adbiyento-- ang unang araw ng kalendaryong liturhikal ng Simbahang Katolika.

Malapit na ang Pasko. Inaanyayahan tayo ng ating Ebanghelyo na maghanda. Maghanda hindi lamang sa pagdiriwang ng Pasko ngunit higit sa lahat sa muling pagbabalik ng ating Panginoong HesuKristo. 

Dapat nating tandaang two-fold ang ating paghahanda sa Adbiyento-- paghahanda sa pagdiriwang natin para sa Ika-25 ng Disyembre at para sa katapusan ng panahon. 

Pinaaalahanan tayo ng ating Panginoong HesuKristo na pagnilayan ang ating mga buhay. Handa na ba tayo sa Kanyang pagbabalik? Kung mamatay ka bukas o mamaya, handa na ba ang iyong puso? Saan ka pupunta? Sa langit ba o sa impyerno?

Itrato natin ang bawat araw-- ang bawat paggising natin sa umaga-- bilang isang bagong simula patungo kay HesuKristo. Mabuhay tayo na ang ultimate goal ay ang maging katulad ni Kristo. Tularan natin Kanyang paglilingkod at pagmamahal sa Diyos at sa Kapwa.

Araw-araw... isang bagong simula palapit kay Kristo. Palapit sa katapusan. Palapit sa kaligtasan. 

Panalangin:

Maranatha! Halina Hesus! Halina!

Aming Ama, niluluwalhati po namin ang Iyong pangalan. Pinupuri po namin ang Iyong Kabunyiang walang hanggan.

Sa mga oras na ito, inilalagay po namin sa Iyong mga kamay ang aming mga buhay. Umaasa po kami sa pag-asang hatid ng pagsisimula ng Adbiyento. Darating muli si Hesus upang lunasan ang lahat ng aming mga paghihirap at mga karamdaman. 

Ama, hayaan Mo pong maghari sa amin ang Espiritu Santo habang narito kami sa mundo at naghihintay sa pagbabalik ng Hari ng mga hari. Kumakapit kami at nananalig sa awa at kaligtasan hatid Niya.

Sa tulong na panalangin nina Inang Maria at San Jose, hinihingi namin ito sa pangalan ni Hesus na muling babalik, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: