08 Disyembre 2024
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Marami sa atin ang naghahanda na ngayon. Nakapamili na ng mga pang-noche buena at panregalo. Nakapag-decorate na ng kanilang mga bahay.
Subalit ibang paghahanda ang hinihingi sa atin ng Ebanghelyo natin ngayong Linggo. Ihanda natin ang ating mga sarili sa pagdating ng Pasko. Isa itong paghahandang nagmumula sa kalooban. Isang paghahanda sa pagtanggap kay Kristo sa ating puso, isipan at buong pagkatao.
Noong una kong marinig ang sigaw ni San Juan Bautista sa ilang, bilang isang bata, inakala kong ang paghahandang hinhingi sa atin ng Diyos ay isang paghahanda ng isang pusong perpekto. Sabi nga, kung ikukumpara sa isang bahay, isang mansyon o isang palasyo, isang perpekto at magandang tahanang titirhan ng ating Panginoong Hesus.
Ngayong may eded na ako, na-realize kong hindi ako ganu'n. Hindi ako perpekto. Makasalanan ako. Oo, nagsisikap tayong maging mabuti-- maging mas tulad ni Kristo subalit sabi nga ng mga pala-hugot, marupok tayo. Pero hindi ito sapat na dahilan para hindi tayo magsisi at magsikap na lumapit kay Kristo.
Hindi perpektong puso ang hinihingi ng Diyos sa atin ngayong Pasko. Hindi isang banal na puso kundi isang pusong nagpapakumbaba. Isang pusong umaasa sa grasya ng Diyos. Isang pusong umaamin na tayo'y marupok at makasalanan. Isang pusong nakababatid na hindi tayo karapat-dapat sa Kanyang pag-ibig.
Ang Sanggol na isisilang sa araw ng Pasko ay hindi tutuloy sa isang mataas at magarang palasyo. Siya ay isisilang sa isang sabsaban. Katulad ng isang pusong mababa ang loob at nagsisisi. Marumi man at hindi karapat-dapat, patuloy pa ring umaasa sa awa ng Diyos.
Handa ka na bang patuluyin si Kristo sa sabsaban mong puso? Pagsisihan at talikdan ang iyong kasalanan. Focus more on Jesus!
Panalangin:
O aming Amang patuloy na nagkakaloob sa amin ng nag-uumapaw na biyaya, ang aming mga puso'y inaalay namin sa Iyo. Gamitin Mo po kami para sa ikagiginhawa ng aming kapwang nangangailangan.
Tumalima po sana kami sa panawagan ni San Juan Bautista. Magawa po sana naming humingi ng tawad at magpatawad. Turuan Mo po kaming ihanda ang aming mga puso upang magawa naming tanggapin si Hesus. Lalo na po ngayong nalalapit na ang aming paggunita sa araw ng kanyang pagsilang.
Katulad nina Birheng Maria at San Jose, tinatanggap po namin si Hesus sa kabila ng mga balakid. Makita po sana namin Siya sa aming kapwa. Magkamit po sana kami ng galak sa aming pagiging bukas-palad. At mapagtanto po sana naming higit na mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.
Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus na aming Panginoon, Siyang isinilang at nakipamayan sa piling namin. Nananalig kaming muli Siyang babalik sa huling araw. Amen.