Biyernes Santo
15 Abril 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 29 Marso 2013.)
Umaga ng Miyerkules Santo. May pasok pa kami ni Misis sa trabaho. Nagmamadali kami ng umagang iyon dahil ang pinapasukan naming clinic ay may darating na bisita mula sa isang malaking kliyenteng kumpanya. Buhat ni Misis ang aming anak na si Baby Lei. Tanghali na kami kaya nagulat siya nang bigla kong kunin mula sa kanya ang bata gayung may kailangan pa akong ayusin bago kami makaalis.
Hindi ko rin alam kung ano ang nangyari. Nang kumilos ang anak ko na para bang sinasabi niyang gusto niyang magpabuhat sa akin ay kusang kumilos ang aking mga bisig. Kinarga ko siya out of instinct-- out of father's instinct.
Habang pinagninilayan ko ang Misteryo Paskwal ng ating Panginoong HesuKristo ngayong mga Mahal na Araw, hindi ko maalis sa isip ko ang simpleng pangyayari ng umagang iyon.
(Aaminin kong noong una'y inisip kong huwag nang mag-post ngayong Biyernes Santo dahil marami namang mababasa tungkol sa topic na ito. Parang wala naman akong masasabing bago. Pero binago ng aking anak ang desisyong iyon.)
Parang higit kong naunawaan ang puwersang nagtulak sa Diyos para ialay ang Kanyang Bugtong na Anak para sa ating kaligtasan. Parang naging mas malapit ako sa pakiramdam ni Hesus habang binabagtas Niya ang daan ng Kalbaryo.
Buhat nang Siya'y maaresto sa Gethsemane hanggang sa malagutan Siya ng hininga sa krus, kumikilos si Hesus out of His instinct-- out of His Love's instinct. Ang lahat ay para sa pag-ibig Niya sa mga apostol na Kanyang mga kaibigan, para sa kanyang mga kaaway na nagpapako sa Kanya sa krus at para sa mga estrangherong katulad natin. Oo, para sa katulad mo o katulad kong mga makasalanan.
Alam na nating lahat-- Kristiyano man o hindi-- ang istorya ni Kristo. Kung paano Siya namatay sa krus at muling nabuhay matapos ang ikatlong araw. Wala nang bago sa katotohanang ito. Ang tanong: ano ang epekto nito sa buhay natin? Sa buhay mo?
Balewala ang mga katotohanang ito kung hindi tayo magre-response sa pag-ibig Niya. Para ano pa ang Kanyang kamatayan sa krus kung hindi tayo magsisisi sa ating mga kasalanan at tatanggapin ang kaligtasang inaalok Niya?
Ngayong Mahal na Araw, tumugon tayo ng pag-ibig sa pag-ibig ni Hesus. Ang mga pagninilay natin ay ituon natin sa Kanya. Ang ating mga pagsasakripisyo ay gawin nating tugon ng pag-ibig kay Kristong naunang umibig sa atin.
Panalangin:
O aming Amang lubusang umiibig sa amin, ipinagkaloob Mo sa amin si Hesus upang tubusin kami mula sa aming mga kasalanan, sinasamba, niluluwalhati at pinupuri Ka namin.
Pag-ibig ang inialay ni Hesus, patawarin Mo po kami sapagkat kalapastanganan ang iginaganti namin. Patawarin Mo po kami sa aming mga nagawa at mga hindi nagawa. Ang pag-ibig po nami'y ipinagkakaloob namin sa Iyo.
Katulad po ng nagtitikang magnanakaw na nasa tabi ni Hesus, batid po naming patuloy mong ipinagkakaloob ang kapatawaran sa mga taong humihingi ng Iyong awa.
Ipinahahayag namin sa buong mundo na ang buhay namin ay iniligtas ni Hesus. Kasama namin Siyang namatay sa krus at nananalig kaming kasama Niya kami sa Kanyang muling pagkabuhay. Amen.