Gospel Reflection
Ikaapat na Linggo ng Muling Pagkabuhay
08 Mayo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 21 Abril 2013.)
Ikaapat na Linggo ng Muling Pagkabuhay
08 Mayo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 21 Abril 2013.)
May isang amang hind mapakali dahil ang sanggol niyang anak ay may sakit. Hindi mapakali ang bata. Hindi malaman ng ama kung ano ang kanyang gagawin upang maibsan ang nararamdaman ng anak.
Pumapalahaw ng iyak ang sanggol. Parang may sinasabing kung ano. Inaalo siya ng kanyang ama. Nais nitong sabihing kung pupuwede nga lamang ay siya na lamang ang magkasakit. Ang maghirap. Huwag na ang kanyang anak.
Nararanasan ito ng halos lahat ng mga magulang. Ako man sa sarili ko ay naranasan ko ito. Naiisip ko nga, ano kaya ang nararamdaman ng Diyos habang inaalo Niya ang mga tao pero hindi naman tayo nakikinig? Nais Niyang ipadama sa sangkatauhan ang Kanyang pagmamahal pero hindi Niya magawa dahil ang tao mismo ang lumalayo.
Sa ebanghelyo natin ngayong linggo, maririnig natin ang tinig ni Hesus nangangako sa kanyang kawan:
Ang tupang kumikilala sa Kanya ay kinikilala Niya. Sila'y Kanyang pinoprotektahan, pinangangalagaan at minamahal. Hindi mapapahamak ang sinumang sa Kanya bagkus ay inilalayo Niya sila sa kapahamakan.
Ang bawat tao'y isang sanggol na pumapalahaw ng iyak. May sakit tayo-- ang ating mga kasalanan. Inaalo tayo ng ating Amang Diyos subalit hindi natin naririnig ang Kanyang tinig dahil abala tayo sa pagpalahaw-- sa pagrereklamo sa nararamdaman nating sakit. Sabagay, kumpara sa kaluwalhatian Niya, sa sanggol ngang maituturing ang ating pang-unawa.
Nais Niyang sabihin sa ating dinanas rin ni Hesus-- ang Diyos na nagkatawang-tao-- ang lahat ng mga pinagdaraanan natin. Pinasan Niya sa Kanyang balikat ang krus ng ating kasalanan. Tinanggap Niya ang parusang dapat ay sa atin nang ipako Siya at mamatay sa krus.
Doon na dapat natapos ang lahat pero hindi, ninais Niyang mabuhay na magmuli para sa atin upang sa muli Niyang pagkabuhay ay muli rin tayong makabangon mula sa kamatayang dulot ng kasalanan.
Tanggapin natin ang biyaya ng muling pagkabuhay ni Hesus. Kikilalanin tayo ni Hesus bilang bahagi ng Kanyang kawan kung kikilalanin natin Siya bilang ating Mabuting Pastol.
Sa ating mga puso, isa lamang ito sa maraming bagay na gustong sabihin sa atin ng ating Diyos. Tayong mga ipinagkaloob ng Ama kay Hesus ay higit na mahalaga sa anuman.
Nais Niyang iparamdam sa atin ang Kanyang pagmamahal. Siya 'yung tinig na bumubulong sa ating kaibuturan. Kaya listen-listen din sa Kanya kapag may time!
Panalangin:
O aming Diyos, isinisigaw po namin sa buong mundong Ikaw ang aming Ama. Sinasamba Ka po namin at dinadakila. Tulutan po Ninyong kami'y maging mga karapat-dapat na maging mga ampon mong anak.
Tulungan po Ninyo kaming makalapit sa Inyo sa pamamagitan ng aming Mabuting Pastol na si HesuKristo. Patuloy po kaming nagsusumikap upang magawa naming makiisa sa kaisahan Ninyo ni Hesus at ng Espiritu Santo.
Sumalamin po nawa ang aming pagsusumikap na lumapit sa Iyo sa pang-araw-araw naming buhay-- sa aming tahanan, trabaho, eskuwelahan at sa pakikitungo po namin sa aming kapwa.
Kami po'y nananalig na kami'y hindi maaagaw ninuman sa Inyong mga kamay. Kami po'y hindi mapapahamak.
Kung paanong kami po'y ipinagkatiwala Ninyo sa mga kamay ni Hesus, ipinagkakatiwala po namin ang aming mga sarili sa Kanyang kaisa Mo at ng Espiritu Santo. Amen.