Mayo 2013

01 02 03 04 05 06 07 08 09 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31



01 Mayo 2013  
Mabuting Balita: Mateo 13:54-58

54 Umuwi siya sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya, kaya't kanilang itinanong, "Saan kumuha ng ganyang karunungan ang taong iyan? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 55 Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid? 56 At tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, di ba? Saan kaya niya natutuhan ang lahat ng iyan?" 57 At siya'y hindi nila pinaniwalaan.
               
Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang isang propeta'y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan." 58 At dahil ayaw nilang maniwala kay Jesus, hindi siya roon gumawa ng maraming himala.

02 Mayo 2013
Mabuting Balita: Juan 15:9-11

9 Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.                 

11 Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon, malubos ang inyong kagalakan.

03 Mayo 2013  
Mabuting Balita: Juan 14:6-14

6 Sumagot si Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung ako'y kilala ninyo, a kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.
                
8 Sinabi sa kanya ni Felipe, Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.
                
9 Sumagot si Jesus, Felipe, kaytagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing Ipakita mo sa amin ang Ama? 10 Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nasa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. 12 Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. 13 At anumang hilingin ninyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14 Kung hihiling kayo ng anuman sa aking pangalan, ito ay aking gagawin.

04 Mayo 2013  
Mabuting Balita: Juan 15:18-21

18 Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nila bago kayo. 19 Kung kayo'y taga-sanlibutan, mamahalin nila kayo, sapagkat kayo'y kabilang sa kanila. Hindi kayo taga-sanlibutan. Sila'y napopoot sa inyo dahil pinili ko kayo. 20 Alalahanin ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping nakakahigit kaysa sa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin. 21Subalit ang lahat ng ito'y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin.

05 Mayo 2013  
Mabuting Balita: Juan 14:23-29

23 Sumagot si Jesus, Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y tatahan at mananatili sa kanya. 24 Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin.
                
25 Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito habang kasama pa ninyo ako. 26 Ngunit ang Tagapagtanggol, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.
                
27 Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot. 28 Sinabi ko na sa inyo, Ako'y aalis, ngunit ako'y babalik. Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin. 29 Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari, upang kung mangyari na ay manalig kayo sa akin.

06 Mayo 2013  
Mabuting Balita: Juan 15:26-16:4

26 Ngunit sa pagdating ng Tagapagtanggol, ang Espiritu ng katotohanan, na susuguin ko mula sa Ama, magpapatotoo siya tungkol sa akin. 27 At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat sa pasimula pa'y kasama ko na kayo. 

1 Sinasabi ko ito sa inyo upang huwag kayong mawalan ng pananalig sa akin. 2 Ititiwalag nila kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. 3 At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako kilala, ni ang Ama. 4 Subalit sinabi ko na ito sa inyo upang kapag ito'y nangyari, maaalala ninyo ang sinabi ko sa inyo.  Hindi ko ito sinabi sa inyo noong una sapagkat kasama pa ninyo ako.

07 Mayo 2013  
Mabuting Balita: Juan 16:5-11

5 Ngunit ngayo'y pupunta na ako sa nagsugo sa akin at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. 6 Ngayon sinabi ko na sa inyo, lubha naman kayong nalungkot. 7 Subalit dapat ninyong malaman ang katotohanan. Ang pag-alis ko'y sa ikabubuti ninyo, sapagkat hindi paparito sa inyo ang Tagapagtanggol kung hindi ako aalis. Ngunit kung wala na ako, isusugo ko siya sa inyo. 8 Pagdating niya ay kanyang patutunayan sa mga taga-sanlibutan na mali ang pagkakilala nila tungkol sa kasalanan, tungkol sa pagiging matuwid, at tungkol sa paghatol ng Diyos. 9 Mali sila tungkol sa kasalanan sapagkat hindi sila nananalig sa akin. 10 Mali sila tungkol sa pagiging matuwid sapagkat ako'y pupunta sa Ama at hindi na ninyo makikita; 11 at tungkol sa paghatol ng Diyos, sapagkat hinatulan na ang pinuno ng mundong ito.

08 Mayo 2013  
Mabuting Balita: Juan 16:12-15

12 Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. 13 Ngunit pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanang galing sa Diyos. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. 14 Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo. 

09 Mayo 2013  
Mabuting Balita: Juan 16:16-20

16 Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y inyong makikitang muli.
                
17 Nag-usap-usap ang ilan sa mga alagad, Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, Sapagkat ako'y pupunta sa Ama. 18 Ano kaya ang kahulugan ng, kaunting panahon na lamang? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!
                
19 Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya't sinabi niya, Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y makikita ninyong muli. 20 Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at mahahapis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit iyan ay mapapalitan ng kagalakan.

10 Mayo 2013  
Mabuting Balita: Juan 16:20-23

20 Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at mahahapis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit iyan ay mapapalitan ng kagalakan.
               
 21 Kapag naghihirap na ang isang babaing manganganak, siya'y nahahapis, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak niya, hindi na niya naaalala ang hirap; nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan.
                
22 Gayundin naman kayo, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli tayong magkikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman. 23 Sa araw na iyon, hindi na kayo kailangang magtanong sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo.

11 Mayo 2013  
Mabuting Balita: Juan 16:23-28

23 Sa araw na iyon, hindi na kayo kailangang magtanong sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.

25 Ang mga ito'y sinabi ko sa inyo nang patalinhaga. Subalit darating ang panahong hindi na ako magsasalita sa inyo sa ganitong paraan; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan, at hindi ko sinasabing ako mismo ang hihiling sa Ama para sa inyo. 27 Mahal kayo ng Ama; minamahal niya kayo sapagkat ako'y minahal ninyo at naniwala kayo na ako'y nagmula sa Diyos. 28 Ako nga'y nanggaling sa Ama at naparito sa daigdig; ngayo'y aalis na ako sa daigdig at babalik na sa Ama. 


12 Mayo 2013
Mabuting Balita: Lucas 16:46-53
 
46 Sinabi niya sa kanila, "Ganito ang nasusulat: kinakailangang maghirap at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Tandaan ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya't huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga't hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit."
                
50 Pagkatapos ng mga ito, sila'y isinama ni Jesus sa labas ng lunsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila'y binasbasan. 51 Habang iginagawad niya ito, siya nama'y lumalayo paakyat sa langit. 52 Siya'y sinamba nila at pagkatapos ay masayang-masaya silang bumalik sa Jerusalem. 53 Palagi silang nasa Templo at doo'y nagpupuri sa Diyos. 

13 Mayo 2013
Mabuting Balita: Juan 16:29-33

29 Sinabi ng kanyang mga alagad, Ngayon po'y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinhaga! 30 Ngayon alam na po naming alam ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin pa kayo ninuman. Dahil dito, naniniwala po kami na kayo'y mula sa Diyos.
                
31 Sumagot si Jesus, Talaga bang naniniwala na kayo? 32 Darating ang oras, at ngayon na nga, na magkakawatak-watak kayo. Magkakanya-kanya kayo ng lakad, at iiwanan ninyo ako. Gayunman, hindi ako tunay na nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko ito sa inyo upang kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!

14 Mayo 2013
Mabuting Balita: Juan 15:9-17

9 Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.

                
11 Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon, malubos ang inyong kagalakan. 12 Ito ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi ninyo ako pinili, kayo ang pinili. Pinili ko kayo upang kayo'y magbunga at manatili ang inyong bunga upang ang anumang hingin ninyo sa Ama, sa aking pangalan, ay ibibigay sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo. 

15 Mayo 2013
Mabuting Balita: Juan 17:11-19

11 At ngayon, ako'y papunta na sa iyo; iiwanan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila'y maging isa. 12 Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin. Pinangalagaan ko sila at walang napahamak sa kanila, maliban sa taong humanap ng kanyang kapahamakan, upang matupad ang kasulatan. 13 Ngunit ngayon, ako'y papunta na sa iyo, at sinasabi ko ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang mapuspos sila ng aking kagalakan. 14 Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng mga tao sa sanlibutang ito, sapagkat hindi na sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi taga-sanlibutan. 15 Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa daigdig na ito, kundi iligtas mo sila sa Masama! 16 Hindi sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi rin taga-sanlibutan. 17 Italaga mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan. 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman, isinusugo ko sila sa sanlibutan. 19 At alang-alang sa kanila'y itinalaga ko sa iyo ang aking sarili, upang maitalaga rin sila sa pamamagitan ng katotohanan.

16 Mayo 2013
Mabuting Balita: Juan 17:20-26

20 Hindi lamang sila ang idinadalangin ko; idinadalangin ko pati ang mga mananalig sa akin dahil sa pahayag ng aking mga tagasunod. 21 Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako'y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang mga tao sa daigdig ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Ibinigay ko na sa kanila ang karangalang ibinigay mo sa akin upang sila'y ganap na maging isa, tulad mo at ako na iisa. 23 Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, makikilala ng mga tao sa daigdig na isinugo mo ako at sila'y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin.
                
24 Ama, sila ay ibinigay mo sa akin at nais kong makasama sila sa kinaroroonan ko upang makita nila ang karangalang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa nilikha ang daigdig. 25 Mapagmahal na Ama, hindi ka kilala ng mga tao sa daigdig, ngunit kilala kita, at alam rin ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. 26 Ipinakilala na kita sa kanila, at patuloy kitang ipapakilala, upang ang pagmamahal mo sa akin ay manatili sa kanila, at ako ay manatili rin sa kanila. 

17 Mayo 2013
Mabuting Balita: Juan 21:15-19  

15 Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?
    
Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo, tugon niya.
               
Sinabi sa kanya ni Jesus, Kung gayon pakainin mo ang aking mga tupa. 16 Muli siyang tinanong ni Jesus, Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?
               
Sumagot si Pedro, Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo. Sabi ni Jesus, Alagaan mo ang aking mga tupa.
                
17 Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?
               
Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, Mahal mo ba ako?
               
At sumagot siya, Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.
               
Sinabi sa kanya ni Jesus, Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa lugar na di mo gusto. 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paanong mamamatay si Pedro at kung paano niya pararangalan ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, Sumunod ka sa akin!

18 Mayo 2013
Mabuting Balita: Juan 21:20-25

  20 Lumingon si Pedro at nakita niyang kasunod niya ang alagad na minamahal ni Jesus, ang siyang humilig sa dibdib ni Jesus nang sila'y naghahapunan at nagtanong, Panginoon, sino po ang magkakanulo sa inyo? 21 Nang makita siya ni Pedro ay tinanong nito si Jesus, Panginoon, paano po naman ang taong ito?
                
22 Sumagot si Jesus, Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo? Sumunod ka sa akin! 23 Kumalat sa mga mananampalataya ang balitang hindi mamamatay ang alagad na ito. Ngunit hindi naman sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo? a
                
24 Siya ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito; siya rin ang sumulat ng mga ito at alam naming totoo ang kanyang pahayag.
                
25 At marami pang ginawa si Jesus na kung isusulat lahat, inaakala kong hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na maisusulat tungkol dito. 


19 Mayo 2013
Mabuting Balita: Juan 20:19-23

19 Kinagabihan ng araw ng Linggo, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakasara ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sumainyo ang kapayapaan! sabi niya. 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Nang makita nila ang Panginoon, tuwang-tuwa ang mga alagad. 21 Sinabi na naman ni Jesus, Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo. 22 Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. 23 Ang patatawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.


20 Mayo 2013
Mabuting Balita: 9:14-29

14 Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila. 15 Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong upang batiin si Jesus. 16 Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, "Ano ang inyong pinagtatalunan?"

                
17 Sumagot ang isa mula sa karamihan, "Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya'y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita. 18 Tuwing siya'y sinasapian nito, siya'y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya'y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas."
                
19 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!"
                
20 Dinala nga nila ang bata sa kanya. Nang si Jesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata. Ang bata'y natumba sa lupa at gumulung-gulong na bumubula ang bibig. 21 "Kailan pa siya nagkaganyan?" tanong ni Jesus sa ama.
               
"Simula pa po noong bata siya!" tugon niya. 22 "Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo."
                
23 "Kung may magagawa ako?" tanong ni Jesus. "Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya."
                
24 Agad namang sumagot ang ama ng bata, "Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya."
                
25 Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, "Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!"
                
26 Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya't sinabi ng marami, "Patay na siya!" 27 Ngunit ang bata'y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito'y tumayo.
                
28 Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, "Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?"
                
29 Sumagot si Jesus, "Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin."

21 Mayo 2013 

Mabuting Balita: Marcos 9:30-37

30 Pag-alis nila roon, nagdaan sila sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kanyang kinaroroonan, 31 dahil tinuturuan niya noon ang kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga tao at papatayin, ngunit siya'y mabubuhay muli pagkatapos ng tatlong araw. 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi, at natatakot din naman silang magtanong sa kanya.

               
 33 Dumating sila sa Capernaum. Nang sila'y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, "Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?" 34 Hindi sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila'y kung sino sa kanila ang pinakadakila.
                
35 Naupo si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, "Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat." 36 Tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanyang mga alagad, 37 "Ang sinumang tumatanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi lamang ako ang kanyang tinatanggap kundi pati na rin ang nagsugo sa akin." 

22 Mayo 2013
Mabuting Balita: Marcos 9:38-40

38 Sinabi sa kanya ni Juan, "Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan."                 
39 Ngunit sinabi ni Jesus, "Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi agad magsasalita ng masama laban sa akin. 40 Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. " 

23 Mayo 2013
Mabuting Balita: Marcos 9:41-50

41 Tandaan ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala."                 
42 "Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. a 43-44 Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang kamay, kaysa may dalawang kamay na mapunta ka sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. b 45-46 Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang paa, kaysa may dalawang paa na mapunta ka sa impiyerno. 47 At kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na kulang ng isang mata, kaysa may dalawang matang itapon ka sa impiyerno. 48 Doo'y hindi namamatay ang mga uod at ang apoy.
                
49 "Sapagkat ang bawat isa'y dadalisayin sa apoy. 50 Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Maging kagaya kayo ng asin, at mamuhay kayong mapayapa sa isa't isa."

24 Mayo 2013
Mabuting Balita: Marcos 10:1-12

1 Pag-alis doon, si Jesus ay nagpunta sa lupain ng Judea at tumawid sa ibayo ng Ilog Jordan. Muling dumagsa ang maraming tao at tulad ng dati, sila'y kanyang tinuruan.
                 
2 May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya't lumapit sila at nagtanong, "Naaayon po ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?"
                 
3 Sumagot siya, "Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?"
                 
4 Sumagot naman sila, "Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ang kanyang asawa."
                 
5 Ngunit sinabi ni Jesus, "Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. 6 Subalit simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang na niya ang tao na lalaki at babae. 7 'Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa  8 at ang dalawa'y magiging isa.' Hindi na sila dalawa kundi isa. 9 Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman."
                 
10 Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito. 11 Sinabi niya sa kanila, "Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa. 12 Gayon din naman, ang babaing magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya."

25 Mayo 2013
Mabuting Balita: Marcos 10:13-16

13 May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, "Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 15 Tandaan ninyo: ang sinumang hindi kumikilala sa paghahari ng Diyos, tulad sa pagkilala ng isang maliit na bata, ay hinding-hindi paghaharian ng Diyos." 16 Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila. 

26 Mayo 2013
Mabuting Balita: Juan 16:12-15

12 Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. 13 Ngunit pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanang galing sa Diyos. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. 14 Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.

27 Mayo 2013
Mabuting Balita: Marcos 10:17-27

17 Nang siya'y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, "Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?"
                 
18 Sumagot si Jesus, "Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. 19 Alam mo ang mga utos ng Diyos, 'Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.' "
                 
20 Sumagot ang lalaki, "Guro, mula pa po sa aking pagkabata ay tinutupad ko na ang mga iyan."
                 
21 Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, "May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga mahihirap ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin." 22 Nang marinig ito ng lalaki, siya'y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya'y lubhang napakayaman.
                 
23 Pinagmasdan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, "Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!" 24 Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, "Mga anak, talagang napakahirap makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na mapabilang sa kaharian ng Diyos."
                 
26 Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya't nagtanong sila, "Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?"
                 
27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, "Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos."

28 Mayo 2013
Mabuting Balita: Marcos 10:28-31

28 At nagsalita si Pedro, "Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo."                  
29 Sumagot si Jesus, "Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, 30 ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna."

29 Mayo 2013
Mabuting Balita: Marcos 10:32-45

32 Nasa daan sila papuntang Jerusalem. Nauuna sa kanila si Jesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang mga taong sumusunod sa kanya. Muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila ang mangyayari sa kanya. 33 Sabi niya, "Papunta tayo ngayon sa Jerusalem kung saan ang Anak ng Tao'y ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. 34 Siya ay kanilang hahamakin, duduraan, hahagupitin, at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay."                  
35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, "Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo."
                 
36 "Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong ni Jesus.
                 
37 Sumagot sila, "Sana po ay makaupo kaming katabi ninyo sa inyong kaharian, isa sa kanan at isa sa kaliwa."
                 
38 Ngunit sabi ni Jesus sa kanila, "Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinuman ba ninyo ang kopa na aking iinuman? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?"
                 
39 "Opo," tugon nila.
                
Sinabi ni Jesus, "Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. 40 Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan."
                 
41 Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 42 Kaya't pinalapit sila ni Jesus at sinabi, "Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ang siyang namumuno sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. 43 Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, 44 at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami." 

30 Mayo 2013
Mabuting Balita: Marcos 10:46-52

46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya sa Jerico kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya'y si Bartimeo na anak ni Timeo. 47 Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, "Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
                 
48 Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, "Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
                 
49 Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, "Dalhin ninyo siya rito."
                
At tinawag nga nila ang bulag. "Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus," sabi nila.
                 
50 Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus.
                 
51 "Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?" tanong sa kanya ni Jesus.
                
Sumagot ang bulag, "Guro, gusto ko pong makakitang muli."
                 
52 Sinabi ni Jesus, "Kung gayon, magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya."
                
Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus.

31 Mayo 2013
Mabuting Balita: Lucas 1:39-56

39-40 Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet. 41 Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42 Napasigaw siya sa galak, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!"

46 At sinabi ni Maria,
"Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,


47 at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,

48 sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad;


49 dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Siya'y banal!

50 Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao
at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.


51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.


52 Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.


53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.


54 Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
at naalala ito upang kanyang kahabagan.


55 Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!"


56 Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: