Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
17 Abril 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 31 Marso 2013.)
Kapag may mabigat akong pinagdaraanan, madalas kong marinig sa mga kaibigan ko ang mga katagang "habang may buhay, may pag-asa." Sa sobrang gasgas na ng linya, halos hindi na nito magawang bawasan ang kalungkutan. Madali kasing sabihin ang katagang iyon pero mahirap i-absorb. Paano mo nga ba mararamdaman ang pag-asa kung down na down ka na?
Kaya hindi natin masisisi ang mga apostol kung hindi nila lubusang maunawaan ang kahulugan ng mga pangyayari ng araw ng Linggong iyon. Namatay na ang kanilang Panginoon at Guro. Siya ang lahat sa kanila. Inalay nila sa Kanya ang kanilang mga buhay. Siya ang kanilang pag-asa.
Ang kaligayahan nila nang pumasok si Hesus sa Jerusalem at nang ipagdiwang nila ang Pista ng Paskwa ay sinira ng kanyang biglaang pagkaaresto, ng kanyang pagkakasakdal at ng kanyang kamatayan. Wala na ang kanilang buhay, ibig sabihin ay wala nang pag-asa?
Pinatunayan ni Hesus na mali ang kanyang mga alagad. Na kahit na sa kamatayan ay naroon ang pag-asa. Sinabi ni Hesus na Siya ang buhay at muling pagkabuhay. Pinatunayan Niya ito nang gapiin Niya ang kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay matapos ang tatlong araw.
Hinamon Niya ang mga Hudyo na gibain nila ang templo at muli Niyang itatayo pagkatapos ng ikatlong araw. At ginawa Niya ito.
Hinahanap ng mga apostol si Hesus sa isang libingang walang laman. Wala Siya roon. Hindi Siya kasama ng mga patay. Kasama Siya ng mga buhay. Kasama Siya ng mga apostol. Kasama natin si Hesus. Sumikat na ang araw sa madilim na magdamag na dinanas nila sa loob ng mga panahong inakala nilang wala nang pag-asa.
Ang mga pusong wala si Hesus ay tila mga libingang walang laman. Hinahanap nila si Hesus pero hindi nila alam na kasama nila Siya. Kumakatok sa kanilang mga pusong naghahanap ng pag-asa. Dahil ang buhay nilang Biyernes Santo ay makatatagpo ng liwanag kung tatanggapin nila ang Linggo ng Pagkabuhay ni Hesus sa kanilang puso.
O aming Ama, ipinagbubunyi Ka ng Iyong bayang puno ng galak sa panahon ng pagdiriwang ng muling pagkabuhay ng Iyong Anak na si Hesus.
Sa aming pagbabalik-loob sa Iyo kasama kaming namatay ni Hesus sa krus. Bilang mga binyagan, hayaan Mo pong makasama Niya kami sa Kanyang muling pagkabuhay.
Nagdiriwang ang aming mga puso! Nagapi ng Iyong Kordero ang kamatayang bunga ng kasalanan. Tulungan Mo po kaming sumunod sa Kanyang mga halimbawang kalugud-lugod sa Iyo. Sundin sana namin ang Iyong kaloobang tunay na makabubuti sa amin.
Magalak! Si Hesus ay muling nabuhay! Nagapi na ang kasalanang naglalayo sa tao at sa Diyos. Sa pamamagitan ni Hesus, ang grasya ng buhay na walang-hanggan ay abot-kamay na ng Kanyang bayan. Amen.