Pula At Puti


Ikalimang Linggo ng Muling Pagkabuhay 
28 Abril 2013     
Basahin ang Ebanghelyo dito: Juan 13:31-35



Kulang sampung taon na ang nakararaan, isang kabataang lalaki ang umiiyak sa pangungumpisal sa Kura Paroko ng Parokya ng San Antonio de Padua sa Malabon. Hindi niya naiintindihan ang nangyayari sa kanilang parokya ng mga panahong iyon. Siya'y isang ordinaryong kabataang-lingkod. Lumaki at lumago ang pananampalataya sa ilalim ng bubong ng Simbahan ni San Antonio de Padua.

Noo'y nahahati sa dalawang paksyon ang kanilang parokya. Nariyan ang mga maka-pula sa isang banda at ang mga makaputi sa kabila. Ang mga makapula ang mga parishioners na anti's sa bagong kura paroko at ang mga makaputi   ang mga pro's.

Maraming mga nangyari na lalo pang nagpataas sa tensyon sa magkabilang panig hanggang sa magkita pa ang mga panig sa harap ng obispo.

Mabilis na lumipas ang panahon. May sarili na ring pamilya ang nasabing kabataan. 

Maraming mga dating lingkod ang nawala sa parokya. Karamihan ay nadala ng mga emosyon at ng tensyon. May ilang bigla na lang nawala sa simbahan. Siguro'y napagod na lang sa mga nangyayari. Hindi sila masisisi ninuman dahil marami naman sa ati'y hindi sanay sa magulo-- at marami sa mga nagpupunta sa simbahan ay naroon upang makasumpong ng kapayapaan.

Marami ring mas pinili na lang na maglingkod sa ibang parokya kaysa maglingkod sa ilalim ng nabanggit na kura paroko. 

Nakakalungkot ang mga pangyayari. Matapos ang mahabang panahon, ang iniwan ng nabanggit na unos sa parokya ay mga nawasak na tulay-- mga tulay sa pagitan ng mga taong dapat sana'y nagtutulung-tulong upang mabuo at patuloy na mapalago ang isang komunidad ng pananampalatayang pinalalim sa mahabang panahon.

Matagal nang wala si Hesus sa  piling natin. Naluluklok na Siya sa kanan ng Ama. Babalik Siya sa huling araw subalit habang hinihintay natin Siya, nag-iwan Siya ng isang napakahalagang utos:

"Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon, mag-ibigan kayo! Kung paano ko kayong inibig, gayundin naman, mag-ibigan kayo."

"Mag-ibigan kayo" kahit na hindi kaibig-ibig ang isa't-isa. Kahit na nariyan ang paksyon ng "pula" at "puti". Kahit na nasaktan ka sa sinabi niya. Kahit na ano pa. Kahit na ano pa ang mangyari, his command stands: love one another!

Nakalimutan ito ng mga maka-pula at ng mga maka-puti. Sa mga taga-SAdP, kailan kaya natin muling mamahalin ang isa't-isa? Nami-miss ko na 'yung mga araw na magkakasama tayong naglilingkod sa ating parokya. Maka-puti ka man o maka-pula.

Hindi ba't kulay pula at puti ang kulay ni HesuKristo? Kailan kaya muling magsasama ang pula at puti? Kaytagal na nating nagkikibit-balikat.

"Kung kayo'y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko."

Panalangin:

O aming Amang makapangyarihan sa lahat... pinupuri Ka po namin, patuloy Ka po naming sinasamba at niluluwalhati. Kami po, bilang isang komunidad ay patuloy na lumalapit sa Inyo, turuan Mo po kaming mahalin ang isa't-isa.

Inilalapit po namin sa Iyo ang mga parokya at ang mga maliliit na komunidad ng pananampalataya. Mag-ugat po sana sa Iyong pag-ibig ang kanilang katatagan at paglago.

Itinataas din po namin sa Inyo ang bawat pamilya. Ilayo mo po ang lahat ng pamilyang Kristiyano sa mga bantang nakaambang sumira sa pundasyon nito. Bigyan Mo po ng sapat na kalusugan ang mga magulang upang magawa nilang palakihin ang kanilang mga anak ng may takot sa Iyo. Gayundin po, idinadalangin po namin ang mga anak. Turuan po po silang patuloy na igalang ang kanilang mga magulang. Ma-realize po sana nilang ang kanilang mga parents ay mga taong maykanya-kanya ring kahinaan.

Aming Ama, ang Iyong pag-ibig nawa ay maghari sa bawat isa sa amin, sa Pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: