Gospel Reflection
Ikaanim na Linggo ng Muling Pagkabuhay
22 Mayo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 05 Mayo 2013.)
Ikaanim na Linggo ng Muling Pagkabuhay
22 Mayo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 05 Mayo 2013.)
Madalas kong mabasa sa mga post sa facebook walls ang quote na "Love is not a noun but a verb, an action word."
Sabi naman ni Hesus sa ebanghelyo natin ngayon: "Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita."
Tumutupad hindi lang puro satsat.
Kung mahal natin Siya, tuparin natin ang kanyang Salita. Pero paano kung hindi natin alam ang Kanyang mga Salita at ang Kanyang mga utos. Paano kung hindi natin Siya kilala? You cannot share something you don't have.
Kaya kung mahal natin Siya, pag-aralan natin ang Kanyang Salita. Matuto tayong basahin ang Biblia-- ang Kanyang salita. Mahirap ito para sa mga Pilipino-- lalo na sa mga Katoliko-- dahil tamad tayong magbasa. Magsimba tayo linggo-linggo upang magawa nating busugin ang ating kaluluwa ng mga Salitang nagmumula sa Kanya.
Kung mahal natin Siya, ipahayag natin. I-share natin ang ating mga nalalaman at ang mga napupulot natin sa mga kapwa natin Katoliko. Maraming avenue ng pagshe-share. Nariyan ang ating fb walls. Nariyan din ang twitter. At nariyan ang personal na pakikipag-usap.
Kung mahal natin Siya, kausapin natin Siya. Bigyan natin Siya ng panahon sa ating pananalangin. Magkaroon tayo ng prayer time. 'Yung pagkakataong wala tayong ibang iisipin kundi ang makipag-usap sa Kanya. Palalimin natin ang personal relationship natin sa Kanya sa pamamagitan ng pagdarasal.
Kung mahal natin Siya, isabuhay natin ang Kanyang mga Salita. Hindi lang tayo dapat puro sa nguso. Dapat makikita rin sa personal nating mga buhay ang mga prutas ng ating pagpapalalim ng ating relasyon sa Kanya. Madaling sabihin ang "I love you" pero kung hindi naman natin ito kayang back-up-an ng gawa para saan pa ang ating mga pagngawa.
Nariyan ang mga sakramento upang magawa nating sumunod sa Kanya. Makipag-isa muli tayo sa Kanya sa pamamagitan ng Sakramento ng pakikipagkasundo. Tanggapin natin Siya sa Eukaristiya, ang Kanyang Katawang nagbibigay ng bagong buhay.
Kung mahal natin Siya, gayahin natin Siya. Natatawa ako kung paanong nagagawang gayahin ng mga anak ang asta ng kanilang mga magulang. Ganun din sa ating pananampalataya, kung tunay tayong Kristiyano dapat ay unti-unti tayong maging katulad ni Kristo. Little by little everyday, sabi nga ng isang kanta.
Kung mahal natin Siya, patunayan natin. Ipakita natin. Ibigin natin Siya, at ang love ay isang action word.
Sa makagagawa nito, siniguro ni Hesus: "iibigin siya ng aking Ama, at kami'y tatahan at mananatili sa kanya."
Idinagdag pa Niya: "Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot."
Panalangin:
O aming Amang bukal ng lahat ng biyaya sa aming mga buhay, patuloy Ka po naming pinupuri at pinararangalan. Ang lahat ng ito ay nagmula sa Iyo at ang lahat ng ito ay ibinabalik namin sa Inyo.
Magawa po sana naming tuparin ang mga Salitang iniwan ng Inyong Bugtong na Anak na si Hesus. Makita nawa ito ng aming kapwa sa aming mga salita, pag-iisip at gawa.
Ipadala po sana Ninyo sa amin ang Inyong Banal na Espiritung Tagapagpabanal. Ituro po sana Niya sa amin kung paanong sumama sa Inyong kaisahan sa pamamagitan ni Hesus.
Danasin po sana namin sa nalalabing mga araw ng aming buhay dito sa lupa ang Iyong paghahari hanggang sa huling araw. Makita po sana namin ang Iyong kaluwalhatian at ipadama sa amin ang Iyong walang hanggang pag-ibig.
Sa ngalan ni Hesus, kaisa Mo at ng Espiritu Santo. Amen.