Ika-15 na Linggo sa Karaniwang Panahon
10 Hulyo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 14 Hulyo 2013.)
"All that is necessary for evil to triumph is for good men to do nothing."
Madalas nating marinig "wala akong kasalanan, wala akong ginawang masama," ang tanong, "may ginawa ka bang mabuti?"
Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, mababasa natin ang kilalang talinghaga ng mabuting Samaritano. Isang taong nangangailangan ng tulong ang nadaanan ng tatlong lalaki-- isang Pari(o isang Saserdote), isang Levita at isang Samaritano. Pipiliin ng dalawang nauna na iwasan ang lalaki at tutulungan siya ng ikatlo.
Hindi natin puwedeng sabihing masasamang mga tao ang pari at ang Levita dahil hindi nila tinulungan ang lalaki. Katunayan, maaaring sa buong buhay nila'y pinagsikapan nilang sundin ang Sampung Utos ng Diyos. Nabuhay sila sa pagpapakabanal sa tradisyon at Salita ng Diyos.
At sa kabilang banda, hindi natin puwedeng sabihing banal ang Samaritano. Maaaring isa siyang makasalanang minsan na ring naharang at napagnakawan ng mga tulisan kaya naawa siya sa nasabing lalaki. Sa ibang salita, naramdaman niya ang paghihirap ng lalaki kaya niya ito tinulungan. Naka-relate siya rito. Kung hindi ganu'n, malamang ay lumihis din siya ng daan.
Lahat sila ay posibleng naawa sa lalaking hinarang ng mga tulisan, kung gano'n, ano ang kaibahan ng Samaritano sa pari at sa Levita?
Extra Effort. Hindi obligasyon ng tatlo na tumulong subalit nagbigay ng extra effort ang Samaritano upang makipagkapwa sa lalaking nangangailangan. Hindi man niya ginawa iyon bilang pagsunod sa mga Utos ng Diyos, inilagay niya ang sarili sa sitwasyon ng lalaki. Ginawa niya sa lalaki kung ano ang gusto niyang gawin sa kanya ng iba (Lucas 6:31).
Subalit hindi lang basta extra effort ang hinihingi ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayong linggo kundi effort na nag-uugat sa pag-ibig. Kailangang ibigay natin ang ating extra effort ng may pagmamahal.
Extra effort na intindihin ang isa't-isa dahil maraming mga komunidad, simbahan at pamilya ang nahahati sa mga paksyon dahil sa kakulangan ng extra effort na umunawa. Extra effort na tumulong dahil kahit gaano man kahirap ang buhay natin ay may kakayahan tayong tumulong sa ating mga sariling paraan.
Pag-ibig sa Diyos ng higit sa lahat at pag-ibig sa kapwa tulad ng sarili ang pinadakilang utos ng Diyos, hindi natin matutupad ang ikalawa kung ang kabutihan natin ay magiging katulad lamang ng sa pari at sa Levita. Kailangang maging mabuti tayo hindi lamang sa mga taong malapit sa atin kundi pati sa mga estranghero. Dapat matutunan nating mahalin hindi lang ang mga taong kamahal-mahal kundi pati ang mga taong mahirap mahalin-- kahit pa ang mga kaaway natin (Mateo 5:44).
Sabi nga ng isang kaibigan ko nu'ng kolehiyo nang magkaroon kami ng isang class activity, "I like you because you are good. I dislike you because you are good not to everybody."
Kung pipiliin lamang natin kung kanino tayo magiging mabuti, ano ang kaibahan natin sa mga makasalanan? Hindi ba't minamahal din nila ang kanilang mga pamilya at mga kaibigan?
Mahalin natin ang ating kapwa, kahit pa madalas kaysa hindi, kailangan ng extra effort upang gawin natin ito.
Panalangin:
O aming Ama, sambahin, luwalhatiin at purihin Ka nawa ng aming mga kaluluwa. Gabayan sana kami ng Espiritu Santo upang magawa naming unahin Ka sa aming mga buhay. Hayaan Mo pong ibigin Ka namin ng higit sa lahat-- higit sa kayamanan, kapangyarihan at kasikatan.
Bigyan Mo po kami ng pusong nagmamalasakit sa iba. Kumikilos at gumagawa upang dumamay sa mga taong nangangailangan hindi lang ng mga materyal na bagay kundi maging ng pagmamahal. Maunawaan po sana naming anuman ang gawin namin sa aming kapwa ay ginawa namin sa Inyo. Ikaw ang larawan ng aming kapwa at ikaw ang aming kapwa.
Hayaan Mo pong sa huling araw, masabi naming "Ika'y nagutom at aming pinakain, nauhaw at aming pinainom, isang dayuhan at aming pinatuloy, walang maisuot at aming dinamitan, nagkasakit at aming dinalaw, nabilanggo at aming pinuntahan." (Mateo 25:31-46)
Gawin Mo po kaming instrumento ng Iyong pagmamahal. Ang aming gawa at salita ay para sa Iyong kaluwalhatian. Alam po naming kulang na kulang ang aming kabutihan, punuan Mo po ito ng Iyong pag-ibig upang makita ng aming kapwa sa aming buhay ang larawan ng isang tunay na Kristiyano.
Sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.
All that is necessary for evil to triumph is for good men to do nothing- See more at: http://quotationsbook.com/quote/46369/#sthash.PXhsprtV.dpuf