Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
03 Hulyo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 07 Hulyo 2013.)
Kumbaga sa bunga ng bayabas, bubot pa ako noon. Wala pang gaanong alam sa mga katuruan ng Simbahan. Bitbit ko noon ay lakas ng loob at ang aking unang Bibliang ipinakisuyo po pang ipabili sa isang kaibigan. (Gustung-gusto ko ang bersyon ng bibliang iyon dahil madaling intindihin at may mga paliwanag pa para sa malalalim na berso.)
Umaga ang sked ko sa Lotus kaya nagagawa ko pang dumalaw sa mga kasama ko sa Letre para mag-obserba sa kanilang pagtuturo. Napapangiti pa rin ako hanggang ngayon kapag naaalala ko kung paano ako mahilo sa kakaikot sa mga eskinita ng Letre.
Iyon ang itinuturing kong unang pagsusugong naranasan ko. Sa murang edad, salat man sa karanasan, bumaba ako sa komunidad. Noong mga unang araw ay mga bata lang ang nakakausap ko hanggang pati ang mga magulang ay kinakausap na ako.
"Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat." (Lucas 10:3)
Katulad ng mga disipulo ni Hesus sa ating Ebanghelyo, tayo rin ay isinusugo ni Hesus. Pinahahayo Niya tayo. Pinalalabas sa ating mga comfort zones para ibahagi sa kapwa ang Kanyang Salita. Araw-araw Niya tayong isinusugo. Hindi man sa malalayong lugar at hindi man bilang mga pari o madre o katekista, tayo'y isinusugo Niya sa mga tao sa paligid natin. Hinihimok Niya tayong ipahayag sa kanila ang kapayapaang hatid ng Kanyang pag-ibig. Na maaari nilang kamtin sa buhay na ito ang paghahari ng Diyos.
Hindi ganu'n kadaling gawin ito dahil maraming balakid upang magawa ito. Minsan nga, mismong kapamilya pa natin ang nagiging hadlang.
Sa pakikihati natin sa misyon ni Hesus bilang mga pari, propeta at hari, tayo'y isinusugo Niya kung paanong isinugo Siya ng Ama, patuloy sana nating ibigay ang lahat ng ating makakaya. Ialay natin sa Kanya ang ating tatlong "T"-- talent, time at treasures. Idalangin natin sa Kanya na ipagkaloob sa atin ang Espiritu Santo upang makagampan tayo sa mga katungkulang iniaatang sa atin-- sa tahanan man o sa trabaho, sa komunidad man o sa simbahan.
Oo, kaibigan, ikaw man ay isinugo Niya!
O aming Diyos Ama, purihin, luwalhatiin at sambahin Ka ng Iyong bayang inutusan ng Iyong Anak na magmahalan kung paanong iniibig Mo kami.
Ipadala Mo po sa amin ang Espiritu Santo na Siyang lakas at pag-asa namin. Ipagkaloob Mo po sa amin ang katatagan upang magawa naming lumabas sa aming mga sarili. Upang magawa naming i-extend ang aming mga braso sa pagyakap sa aming kapwang katulad nami'y naghahangad ng pagmamahal mula sa Iyo.
Ipagkaloob Mo po sa amin ang kapayapaang sa Iyo lamang nagmumula.
Aming Ama, napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani (Lucas 10:2), idinadalangin po naming magpadala pa po kayo ng mga mangagawa upang higit na marami ang maabot ng Mabuting Balita. Idinadalangin po namin ang mga kabataan, tulungan po Ninyo silang piliin ang kanilang bokasyon ayon sa gabay ng Iyong Espiritu.
Idinadalangin din po namin ang mga katekista-- at mapagtanto sana naming lahat ng Katoliko ay katekista. Bigyang po Ninyo ng lakas ang aming Santo Papa , mga obsipo at ang aming kaparian. Unahin po sana Nila ang kapakanan ng Iyong Simbahan.
Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.