Sa Puso Ng Lahat

Gospel Reflection

Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon
17 Hulyo 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 21 Hulyo 2013.)


Maririnig natin ang tugon ni Hesus kay Marta sa Ebanghelyo natin ngayong linggo:

"Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya." 

Para kay Marta, nakakagulat ang tugong iyon ni Hesus dahil nagpapakapagod siya upang paglingkuran ang Panginoon. Ang totoo nga'y halos hindi na siya magkandaugaga kung ano ang dapat niyang unahin.

Subalit ano nga ba ang tinutukoy ni Hesus na higit na mabuti at nag-iisang mahalaga? Ano nga ba ang pinili ni Maria na hindi nakita ni Marta?

Ang sagot: si Hesus.

Oo, si Hesus mismo ang pinili ni Maria. Siya ang nag-iisang kailangan natin sa ating buhay. Period. 

Marami sa atin ang katulad ni Marta. Abala tayo sa maraming mga bagay. Nalilimutan na nating si Hesus ang nasa puso ng lahat. Hindi sinabi ni Hesus na masama ang ginagawa ng mga katulad ni Marta. Malaki ang naitutulong nila sa ating mga simbahan at komunidad.

Ang totoo, ang lahat ng activities sa simbahan at maging ang mga sakramento ay nagiging makahulugan lamang kung si Hesus ang nasa puso ng tumatanggap nito. Dahil kung hindi ganu'n, para saan pa ang lahat?

Sabi ng tv commercial sa itaas:  

Ito ang Champion (brand name ng produkto). Alisin natin ang mga salitang ito. Ang mga dekorasyon. Ang mga umiikot-ikot na ribbon. Ang brand name. Ang maiiwan puro...

Si Hesus ang puso ng ating pananampataya, ang lahat ng iba pa ay pabalat lamang at dekorasyon. At kapag inalis natin ang lahat ng mga dekorasyon, si Hesus ang maiiwan sa puso ng lahat.

Siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Siya'y isinilang ni Birheng Maria, namatay sa krus at muling nabuhay matapos ang ikatlong araw. Isang Diyos na nagkatawang tao para sa atin.


Panalangin:

O aming Amang nagsugo kay Hesus upang ipagkaloob sa amin ang kaligtasan, sinasamba Ka namin at lagi Ka naming idinarangal. Walang hanggang papuri ang para sa Iyo.

Turuan Mo po kaming maging katulad ng Iyong Anak. Maunawaan po sana naming wala nang higit na mahalaga kaysa sa pagsunod sa Iyong mga kalooban.

Tulungan Mo po kaming maging simple sa aming mga pamumuhay. Unahin po sana namin ang Iyong Salita kaysa sa lahat ng mga materyal na bagay na hinahangad namin. Nasa Iyo ang tunay na kaligayahan, kahulugan at kabuluhan.

Kung wala kami sa Iyo, tulad kami ng mga sangang nakahiwalay sa kanilang puno. Tunay ngang Ikaw ang aming buhay.

Ipinapahayag namin ang kabunyian ni Hesus na kasama Mo at ng Espiritu Santo, magpasawalang-hanggan. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: