Ika-22 Linggo Sa Karaniwang Panahon - 01 Setyembre 2013
Tumalon sa: Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Unang Pagbasa: Ecclesiastico 3:17-29
17 Anak, maging mapagpakumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin,
at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos.
18-19 Habang ika'y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba;
sa gayo'y kalulugdan ka ng Panginoon.
20 Sapagkat kahanga-hanga ang kapangyarihan ng Panginoon
at dinadakila siya ng mga nagpapakumbaba.
21 Huwag mong hangaring maunawaan
ang mga bagay na lampas sa iyong kakayahan,
huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman.
22 Sundin mo ang Kautusang bigay sa iyo ng Panginoon;
huwag mong pagkaabalahan ang inilihim niya sa iyo.
23 Huwag mong pakialaman ang di mo saklaw,
sapagkat marami sa mga itinuro sa iyo ay lampas sa pang-unawa ng tao.
24-25 Maraming naliligaw dahil sa kanilang pabigla-biglang hatol;
napilipit ang kanilang isipan ng kanilang maling palagay.
26 Ang matigas ang ulo'y daranas ng pasakit sa bandang huli;
ang mahilig sa panganib ay ipapahamak nito.
27 Ang matigas ang ulo'y laging nasusubo sa ligalig;
ang nawili na sa kasalana'y palaging magkakasala.
28 Walang katapusan ang kapighatian ng palalo;
nag-ugat na ang kasamaan sa kanyang puso.
29 Pinahahalagahan ng matalino ang mga talinhaga;
nakikinig ang marunong pagkat nais niyang matuto.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Salmo: Awit 68:4-11
4 Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan,
maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;
ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.
5 Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
6 May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;
samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.
7 Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,
sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah) a
8 ang lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan;
ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.
Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,
nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
9 Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.
11 May utos na pinalabas na si Yahweh ang nagbigay,
ang nagdala ng balita ay babaing karamihan.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita
Ikalawang Pagbasa: Hebreo 12:18-24
18 Hindi kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab at nababalutan ng dilim at malakas na hangin. 19 Doon ay may tunog ng trumpeta at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang tumigil na iyon ng pagsasalita sa kanila, 20 sapagkat hindi nila matagalan ang utos na ito, "Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay." 21 Talagang nakakakilabot ang kanilang natatanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabing, "Nanginginig ako sa takot!"
22 Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lunsod ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. 23 Dumalo kayo sa masayang pagtitipon ng mga itinuring na panganay. Ang kanilang mga pangalan ay nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. 24 Lumapit kayo kay Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan. Ang dugo niyang dumanak ay may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
Mabuting Balita: Lucas 14:1-14
1 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos. 2 Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may manas. 3 Kaya't tinanong niya ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusang Judio, "Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?"
4 Ngunit hindi sila umimik, kaya't hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. 5 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, "Kung ang inyong anak o ang inyong baka ang nahulog sa balon, hindi ba't iaahon ninyo ito kaagad kahit Araw ng Pamamahinga?" 6 Hindi sila nakasagot sa tanong na ito.
7 Napansin ni Jesus na ang pinipili ng mga panauhin ay ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinhagang ito sa kanila. 8 "Kapag inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas marangal kaysa sa iyo. 9 Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, 'Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?' Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan. 10 Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, 'Kaibigan, dito ka sa kabisera,' mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin. 11 Sapagkat ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas."
12 Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya, "Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at masusuklian na ang iyong ginawa. 13 Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. 14 Kapag ganito ang ginawa mo, magiging mapalad ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga banal."
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita