Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
14 Agosto 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 18 Agosto 2013.)
Habang nasa loob ka ng magic room, kita mo sa malalaking mga monitor ang mga nangyayari sa labas-- ang lahat ng kasamaan, lahat ng kaguluhan at lahat ng mga sakuna.
Komportable kang nagkukulong sa apat na sulok ng kuwartong iyon. Walang anumang alalahanin kundi ang sarili mo. Bakit ka pa lalabas samantalang nasa sa iyo na ang lahat ng mga kailangan mo? Walang dahilan para lisanin mo ang magic room.
Para sa 'yo ang mga salitang kahirapan, kamangmangan, pagkagutom, pang-aabuso at ang mga katulad nito ay mga salita lamang. Wala silang katotohanan sa kuwartong kinalalagyan mo.
Isang araw, habang ginagawa mo ang usual na mga bagay, isang tinig ang tumawag sa 'yo. Hinihimok ka nitong lumabas sa kuwarto. Hindi mo alam kung bakit pero ganu'n nga ang ginawa mo. Lumabas ka ng magic room. At habang nasa labas ka, marami kang nakilalang mga tao. Sila 'yung mga dating pinanonood mo lang sa mga monitor. Mga taong dati'y hindi mo pinakikialaman.
Natuto kang makipag-kapwa. Natutunan mong mabuhay na hindi lamang buhay mo ang mahalaga. Natuto kang maramdaman ang mga daing at mga paghihirap ng ibang tao. Natuto kang magpagod upang maginhawahan ang ibang tao. Natuto kang maging hindi na makasarili.
Wala na ang magic room. Nawala na ang dati mong tahimik na buhay. Napalitan ito ng isang buhay na bukas sa ibang tao. Nawala man ang katahimikan, naroon naman ang kaligayahang nakamit mo sa pakikipag-kapwa.
Kaya pala parang may kulang noong nagkukulong ka sa magic room. Kaya pala sumunod ka sa inuutos ng mahiwagang tinig na tumawag sa iyo. May mga bagay palang hindi mo makikita kung hindi mo ibubukas ang iyong sarili.
Ganito ang mga buhay natin. Napakatagal nating nakakulong sa sarili nating mga mundo. Wala tayong pakialam sa ibang tao basta hindi nila tayo nagagambala. Hanggang sa tawagin tayo ng Diyos, ibinukas natin ang ating sarili. Sinikap nating tumulad kay Kristo. Ang ating dating buhay ay unti-unting nagbago. Nakipag-kapwa tayo. Natutunan nating mahalin ang mga taong dati'y hindi natin pinakikialaman.
Katulad ng sinabi ni Hesus sa ating Ebanghelyo, inakala nating sa pagdating Niya sa buhay natin ay makakamit natin ang kapayapaan. Hindi gano'n ang mangyayari.
"Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi. Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo."
Katulad ni Hesus at ng mga apostol, dumaranas tayo ng iba't-ibang uri ng mga pag-uusig. Tulad tayo ng mga piraso ng ginto na pinadadalisay sa apoy. Dumaraan sa matitinding mga pagsubok sa ngalan ng pananalig kay Kristo. Ang masakit pa nito, madalas na kapamilya natin o mga taong malalapit sa atin ang kumokontra sa ating mga adhikain.
"Ang ama laban sa anak na lalaki, at ang anak na lalaki laban sa ama; ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa ina; ang biyenang babae laban sa manugang na babae, at ang manugang na babae laban sa biyenang babae."
Hindi man ganu'n ka-literal ang ibig sabihin ni Hesus, nangangahulugan ito ng ganap na pagkakahati ng mga tao na walang pinipiling dugo o lahi. Hudyo man o Hentil. Lalaki man o babae. Bata man o matanda. Sabi nga, may ipin man o wala.
Maaari mong piliing manatili sa loob ng magic room, malayo sa panggugulo ng iba subalit sa loob mo'y naroon ang isang malaking espasyong hindi kayang punan ng anumang materyal na bagay. Sa kabilang banda naman, maaari ka ring lumabas sa iyong sarili upang kamtin ang tunay na kapayapaang makakamit lamang sa pagmamahal sa kapwa at sa pagtanggap sa kaligtasang ipinagkakaloob ni Hesus.
Sa mga nasa labas na ng magic room, tumatag kayo dahil sa pagtanggap ninyo kay Hesus ay tinatanggap n'yo rin ang dala Niyang apoy sa lupa.
Sa mga nasa loob pa rin ng magic room, kailan ninyo pakikinggan ang mahiwagang Tinig na nagsusumigaw sa inyong puso? Hanggang kailan n'yo titiisin ang kakulangang inyong nararamdaman?
O Aming Diyos, aming Ama, hayaan Mo pong magdalisay ang aming mga puso sa pagsamba at pagpupuri sa Iyo. Pinasasalamatan Ka po namin sa lahat ng mga biyaya at pagsubok na sa ami'y Iyong ipinagkakaloob. Hayaan Mo pong purihin ka namin sa panahon ng tagumpay at kaligayahan. Turuan Mo po kaming ipagbunyi ang kaluwalhatian Mo kahit sa panahon ng pagdadalamhati at kabiguan.
Tulungan Mo po kaming ituon ang aming mga sarili sa aming Panginoong Hesus na Siyang pinagmumulan at kabuuan ng aming pananampalataya. Masumpungan po sana namin ang tunay na kapayapaang matatagpuan lamang sa Kanyang walang-hanggang pag-ibig.
Yakapin Mo po kami sa pamamagitan ng Espiritu Santo, o aming Ama, tunay ngang wala kaming magagawa kung malayo kami sa Iyo.
Nahahati man po kami sa maraming mga bahagi, magawa po sana naming magkaisa sa paglaban sa lahat ng anyo ng kahirapang umaalipin ngayon sa mga tao. Iba-iba man po ang aming mga relihiyon at sekta, maunawaan po sana naming iba-iba man ang tawag ay iisa lamang ang Diyos.
Turuan Mo po kaming yakapin ang Kapayapaan kay HesuKristo, nabubuhay at naghahari kasama Mo at ng Espiritu Santo magpasawalang-hanggan. Amen.