Panawagan Sa Sabayang Look-up!

Gospel Reflection

Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon
07 Agosto 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 11 Agosto 2013.)
 

Martes ng umaga. Habang nakapila ako para makapasok sa platform ng 5th Avenue Station ng LRT. Nagco-contemplate ako tungkol sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo nang mapansin ko ang isang grupo ng mga babaeng pasaherong nakatingala na parang may kung anong tinitingnan. Na-amaze ako dahil para silang mga naka-pose para sa isang look-up picture.

Nang sundan ko ng tingin ang direksyon ng kanilang mga mata ay nalaman kong tinitingnan nila ang isang lcd tv advertisement. Pinanonood nila ang isang commercial.

Napangiti ako. Naisip kong effective din pala ang ganoong advertisement medium. Hindi naalis sa isip ko ang tagpong iyon habang patuloy kong pinagninilayan ang ating Ebanghelyo.

"Maging handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto." (Lucas 12:35-36)


Mabigat ang mga salitang ito, tinitiyak nito ang isang mahalagang bahagi ng ating pananampalataya; babalik si Hesus upang itatag ang bagong Jerusalem at binibigyang-diin sa atin na dapat tayong maghanda para sa pagsalubong sa Kanya.


Katulad tayo ng isang bangkong basketball player. Lagi tayong nagte-training at nag-eensayo kahit hindi natin alam kung kailan tayo maglalaro sa actual na laro. Kinukutya tayo ng iba dahil patuloy tayong nagpapalakas ng katawan kahit na walang katiyakan kung makakapaglaro nga tayo. Pero natitiyak natin, darating ang araw na tatapikin ni coach ang ating balikat.

Ganu'n din ang ating espiritwal na buhay. Pinananatili nating nasa liwanag tayo ni Kristo. Inihahanda natin ang ating sarili. Pinalalakas natin ang ating mga spiritual muscles. Araw-araw nating sinisikap na maging katulad ni Hesus. Pinipilit nating pasanin ang ating mga krus upang sumunod sa Kanya. 

Little by little sabi nga ng isang kanta. Unti-unti, gawin nating karapat-dapat ang ating mga sarili sa pagharap sa Panginoon upang pagdating ng judgement day ay handa na tayo.

Kinukutya tayo ng iba dahil hindi sila nanniniwalang kakayanin nating tahakin ang makipot na landas. Ang iba naman ay hindi naniniwala sa muling pagbabalik ni Hesus. Balewala sa kanila ang krus ni Kristo pero para sa ating mga nananalig sa Kanya, ang krus ay lakas at kapangyarihan.

Kaya, look-up! Hindi para sa isang look-up photoshoot o para tingnan ang isang lcd advertisement o isang billboard. Mag-look-up tayo habang binibigkas ang isang panalangin. Hingin nating gabayan tayo ng Espiritu Santo upang matagumpay nating dahan-dahang mapaghandaan ang pagharap natin sa Panginoon sapagkat ang kaligtasan at buhay na walang hanggan, una sa lahat, ay isang biyayang mula sa Diyos. Isang biyayang ipagkakaloob sa mga taos na nananampalataya kay HesuKristo.

Kaya, sabay-sabay tayo! Look-up!

Panalangin:

O aming Amang palaging nagmamahal sa amin. Ikaw na patuloy na kumakalinga sa aming mga nakikipagbuno laban sa lahat ng pagsubok at tukso. Sambahin, luwalhatiin at palagian kang purihin sa pamamagitan ng aming buhay na sinisikap naming maging larawan ng Iyong kabunyian. 

Ang Mabuting Balita ay nananawagang aming ihanda ang aming mga puso sa pagtanggap sa Iyong kahariang hinahangad ng bawat sumasampalataya sa Iyong Bugtong na Anak. Ipadala Mo po sa amin ang Banal Mong Espiritu upang magawa naming sundin ang Iyong mga utos na aming inaaring yaman sa aming mga puso.

Huwag po sana naming ipagwalang-bahala ang katotohanan ng kamatayan. Darating ang panahong kami'y magsusulit sa Iyong harapan. Tulungan Mo po kaming umasa sa Pangakong buhay na walang hanggan ng Iyong Anak na nagkatawang-tao upang iligtas ang sinumang sumampalataya sa Kanyang Salita.

Ang liwanag nawa ni Kristo ang aming maging ilawan sa madidilim na bahagi ng aming buhay.

Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesus, nabubuhay at naghahari, kasama Mo at ng Espiritu Santo magpasawalang-hanggan. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: