Sayad Sa Lupa

Gospel Reflection

Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
01 Setyembre 2019
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 01 Setyembre 2013.)


Kapag nababasa ko ang Ebanghelyo natin ngayong linggo, hindi ko maiwasang maisip ang mga malalaking karatula ng mga pagawain ng pamahalaan kung saan makikita ang malalaking larawan at pangalan ng mga politiko. Ibinabandera nila ang kanilang mga pangalan. Itinataas ang kanilang mga sarili. Ipinapamukha sa mga taong-bayan ang kanilang mga nagawa.

Sila'y nabuhay taglay ang tatlong "k" ng mundong ito-- kayamanan, katanyagan at kapangyarihan. Ang tatlong "k" ding ito ang karaniwang sukatan ng mundo ng tagumpay.

Ang totoo'y hindi na natin kailangang lumayo. Marami ang katulad nila sa ating mga parokya. Mga katolikong-lingkod na hindi lang nabanggit ang pangalan o napasalamatan ay nagtatampo na. Mga taong ang gusto'y laging sila ang sikat. Silang kapag nag-donate ay dapat na ianunsyo ang kaliit-liitang sentimong kanilang ibinigay. Silang mga nagpapa-pampam para lang mapansin lang ng pari o ng community leader.

Sa kabilang banda'y nariyan sa tabi-tabi ang mga nagpapakababa. Sa tinagal-tagal ko sa parokya, napuna kong sila 'yung madalas kaysa hindi ay nagtatagal sa paglilingkod. Sila 'yung mga willing na humawak ng walis o basahan  o magbuhat at mag-ayos at magligpit ng mga upuang ginagamit sa mga programa. 

Hindi nila itinuturing na espesyal ang kanilang mga sarili. Hindi nila itinuturing na angat sila sa iba kaya wala silang kayabangang kailangang busugin. Naroon sila dahil nais nilang makilala ang Diyos. Maaaring hindi man nila alam, naroon sila dahil sa tawag ng paglilingkod.

Sila 'yung mga taong kadalasa'y hindi itinuturing na mahalaga. Kayang gawin ng kahit sino ang ginagawa nila pero nagkataon lang na sila ang willing na gawin iyon.  

Ang tulad nila'y si Inang Maria na minsa'y isang karaniwang dalaga sa Nasaret. O si Pedro na mainitin ang ulo. O si Levi na isang maniningil ng buwis. Kung iisa-isahin natin silang mga itinuring ng mundong walang halaga subalit itinaas ng Diyos dahil sa kanilang kabanalan, hindi sasapat ang post na ito sa dami nila.

Kaya kung iniisip mong mas banal ka kaysa iba, i-check mo kung nakasayad pa sa lupa ang iyong mga paa. Baka sa sobrang pagmamataas at paglipad mo ay lumagapak ka sa lupa pagbagsak mo. Promise, masakit 'yun as in.

Panalangin:

O aming Amang bukal ng lahat ng biyaya, ang lahat ng pagsamba at kaluwalhatian ay sa Iyo. Ang aming mga tagumpay at mga pagpupunyagi sa aming buhay ay inaalay namin sa Iyo. Tunay nga pong wala kaming magagawa kung wala Ka. 

Sa Iyo nagmumula ang aming lakas at talino at lahat ng aming mga kakayahan. Tulungan Mo po kaming gamitin ito upang madama ng aming kapwa ang pag-ibig mo.

Pagkalooban Mo po kami ng mapagkumbabang puso. Tumulad sana kami kay Inang Maria na buong kababaang-loob na sumunod sa Iyong kaloobang inihayag ng Anghel Gabriel. O Ama, hayaan mo pong sambitin namin, "maganap nawa sa akin ayon sa kalooban Mo." 

Tulungan Mo po kaming magtiwala sa Iyo. Tularan po sana namin ang halimbawa ng aming Panginoong Hesus na nagmahal sa amin hanggang sa kamatayan sa krus. Itinuring Niya kaming kaibigan kahit pa kami'y mga makasalanan. 

O aming Ama, hindi po sasapat ang lahat ng mga salita upang papurihan Ka. Sa kababaan ng aming mga puso, hinihingi po namin ang Inyong awa at pagpapatawad. Sa ngalan ni HesuKristong aming Panginoon, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: