Number One Spot

Gospel Reflection

Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
04 Setyembre 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 08 Setyembre 2013.)


Imagine this at malamang na maka-relate ka.


Minahal mo ang isang tao ng higit sa anupaman. Ibinigay mo sa kanya ang lahat-lahat. Sakripisyo. Pagod. Oras. Pagsisikap. Pangarap. Pamilya. Talento. Talino. Pagmamahal. Pang-unawa. Wala kang iniwan sa sarili mo. Hindi mo inisip ang sasabihin ng iba. Basta maiparamdam mo lang na mahal mo siya. Na you really care for her/him.


Ang masaklap-- matapos ang lahat-- iiwan ka lang niya sa bandang huli. Di ba masakit 'yon? Parang pinasagasaan sa pison ang puso mo?

Kung palamura ka, malamang na napamura ka sa sobrang sakit. Hindi lang isa kundi maraming mura. Malutong na Tagalog. English. Spanish. Chinese. Russian. Waray. Ilonggo. Malamang nasabi mo lahat ng murang alam mo.


Bakit? Because it's unfair


Sa gilid kasi ng isip mo ay naroon ang pag-asang kahit na konti ay masusuklian ng pagmamahal din ang pagmamahal mo.


Tama ba?


Kilala mo si HesuKristo? Siguradong kilala mo Siya dahil bata ka pa lang ay naririnig mo na Siya sa mga Religion Classes mo.


Siya 'yung Diyos na iginive-up ang pagiging Diyos para maging tao. Para maging sanggol na isinilang sa abang sabsaban at pinagtangkaang patayin. Para maging batang nawala at natagpuan sa templo. Para mapagod, magutom, mauhaw at tumangis. Para maglingkod sa mga mahihina at mga makasalanan. Para pagalingin ang mga maysakit. Para pakainin ang mga nagugutom. Para bigyang-pag-asa ang mga nasa kadiliman. Para buhayin ang namatay na....


Para ipagkanulo ni Hudas sa mga nasa kapangyarihan. Para hampasin ng maraming beses habang nakagapos sa haliging bato. Para kutyain at hamakin. Para putungan ng koronang tinik. Para mahatulang mamatay. Para pasanin ang mabigat na krus. Para ipako at mamatay sa krus. Para kanlungin ng Kanyang ina ang malamig Niyang bangkay na ibinaba mula sa krus. Para ilibing.


Ginawa Niya ang lahat ng iyon para sa iyo pero hindi doon natapos ang lahat.


Matapos ang tatlong araw, nabuhay Siyang muli para sa iyo. Para mailigtas ka. Para kasama Niya'y mabuhay kang muli at maiahon mula sa kamatayang dulot ng kasalanan. Umakyat Siya sa langit upang ipaghanda ka ng lugar sa bahay ng Ama. Babalik Siya para sa iyo.


Ngayon, sabihin mong wala Siyang karapatang sabihing:


"Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang ayaw magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko." (Lucas 14:26-27)

Bakit? Because it's unfair kung hindi magkakagano'n. Karapat-dapat lang na pag-ibig din ang isukli sa Kanyang extra-ordinaryong pag-ibig. Siya ang naunang nagmahal sa atin sa kabila ng ating pagiging makasalanan.

Kaya hindi niya deserve ang second best. Di ba't karapat-dapat lamang Siya sa 101% nating pagmamahal? Di ba't sa puso natin, dapat lang na ibigay natin sa Kanya ang Number 1 spot?


Panalangin:

O aming Ama, Ikaw na walang kapagurang nagmamahal sa amin, ang lahat ng pagsamba ay laan namin sa Iyo. 

Patawarin Mo po ang aming mga kahinaan. Batid Mo po kung gaano namin sinisikap na tumulad sa halimbawa ng Iyong bugtong at masunuring Anak. Tunay nga pong anong sikap man ang aming gawin, kulang na kulang pa rin ang aming mga kabutihan.


Tulungan Mo po kami, sa patnubay ng Espiritu Santo, na matutong magpasan ng aming mga krus upang sumunod kay Kristo na tinalikuran maging ang Kanyang sarili upang sundin ang Inyong kalooban. 


Mapanghawakan po sana namin ang aming paninindigan at pananampalatayang kalakip ng aming desisyong sumunod sa Kanyang mga yapak.


O aming Ama, lahat ng ito'y hiling namin sa pangalan ni HesuKristo, nabubuhay at naghahari kasama mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: